CAMP ALEJO SANTOS, Bulacan — Alinsunod sa direktiba ng Acting Chief PNP, Lt. Gen. Jose Melencio C. Nartatez Jr., labing-walong indibidwal ang naaresto ng Bulacan police sa patuloy na pinaigting na operasyon kontra ilegal na droga. Ang mga isinagawang operasyon noong Oktubre 25-26, 2025 ay nagresulta sa pagkakakumpiska ng 42 na sachet ng hinihinalang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P271,592.00, isang cal. .45mm pistol na baril, tatlong bala, at mga marked money na ginamit sa buy-bust operations.
Ayon sa report ni P/Lt. Virgilio D. Ramirez, Bocaue police chief, nagsagawa ng operasyon laban sa ilegal na droga ang Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Bocaue MPS dakong alas-2:20 ng umaga noong Oktubre 26, 2025 sa Brgy. Batia, Bocaue kung saan 1 suspek ang naaresto at nakumpiska sa kanya ang 3 na piraso ng transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na tinatayang may Standard Drug Price na P54,400, at buy-bust money.
Sa katulad na operasyon, ayon kay P/Lt. Col. Melvin M. Florida, Meycauayan police chief, naaresto ang 2 katao sa isang matagumpay na buy-bust operation na isinagawa ng pulis Meycauayan dakong 12:30 a.m. ng Oktubre 26, 2025 sa Brgy. Perez, Meycauayan City, Bulacan, kung saan nasamsam mula sa mga suspek ang 4 na sachet ng hinihinalang shabu na may kabuuang halagang P27,200, at isang caliber .45 pistol na kargado ng tatlong bala.
Samantala, ayon sa ulat ng mga Hepe ng Pandi, Hagonoy, Santa Maria, Doña Remedios Trinidad, Bocaue, San Jose del Monte, Norzagaray, Pulilan, San Ildefonso, at Calumpit Police Stations, nagsagawa ng magkakahiwalay na operasyong kontra ilegal na droga ang kanilang mga Station Drug Enforcement Units na nagresulta sa pagkakaaresto ng 11 indibidwal na sangkot sa pagtutulak ng droga. Nakumpiska sa mga operasyon ang 28 sachet ng hinihinalang shabu na may tinatayang kabuuang halaga na P162,792.00, at buy-bust money.
Ang mga naarestong suspek at ang mga nakumpiskang ebidensiya ay dinala sa Bulacan Provincial Forensic Unit (PFU) para sa kaukulang pagsusuri. Kasalukuyan namang inihahanda ang pagsasampa ng mga kasong paglabag sa Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) laban sa mga suspek.
Bukod dito, 2 indibidwal ang naaresto ng mga tauhan ng San Jose Del Monte CPS at Bocaue MPS sa magkahiwalay na insidente noong Oktubre 25, 2025.
Sa San Jose Del Monte, inaresto dakong alas-7 ng gabi sa Brgy. Guijo-Francisco ang dalawang suspek matapos sipain ang police mobile nang walang dahilan, kung saan narekober mula sa kanila ang 5 sachet ng hinihinalang shabu na may halagang P6,800.00. Samantala, sa Bocaue naman, 2 lalaki ang nasakote dakong 5:58 p.m. sa Brgy. Wakas matapos tangkaing tumakas sa checkpoint at narekober mula sa kanila ang 2 sachet ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P20,400.00.
Ang walang sawang kampanya ng Bulacan PNP laban sa ilegal na droga, sa ilalim ng pamumuno ni P/Col. Angel L. Garcillano, Provincial Director, at sa gabay ni P/Brig. Gen. Ponce Rogelio I. Penoñes Jr. , Regional Director ng Police Regional Office 3, ay patunay ng kanilang taos-pusong dedikasyon sa pagsugpo sa kriminalidad at sa patuloy na pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa lalawigan ng Bulacan. (UnliNews Online)

