CAMP OLIVAS, Pampanga — Sa patuloy na pagpapatupad ng Enhanced Managing Police Operations (EMPO), matagumpay na nasamsam ng Police Regional Office 3 (PRO3) ang mga baril, isang pampasabog, at iligal na droga sa isinagawang search warrant sa Olongapo City noong Thursday (Jan. 8).
Pinangunahan ng Regional Special Operations Group 3 – Regional Intelligence Division (RSOG3-RID) at sa tulong ng Police Station 1 ng Olongapo City Police Office, nagresulta ang operasyon sa pagkakasamsam ng dalawang hindi rehistradong baril—isang .45 caliber pistol at 9mm pistol—ilang magasin at live ammunition ng iba’t ibang kalibre, isang fragmentation hand grenade, humigit-kumulang 305 gramo ng hinihinalang shabu na may tinatayang halagang P2,079,440, at 113 gramo ng hinihinalang kush na may halagang P169,500, kasama ang iba’t ibang drug paraphernalia at mga timbangan.
Inihahanda na ang kaukulang mga kaso laban sa naarestong indibidwal, habang nagpapatuloy ang karagdagang imbestigasyon upang matukoy ang posibleng ugnayan nito sa mga kriminal na grupo o organisadong ilegal na gawain.
Ayon kay PBGEN Ponce Rogelio I. Peñones Jr., Regional Director ng PRO3, sumasalamin ang operasyong ito sa tuloy-tuloy na pagsisikap ng pulisya na pigilan ang karahasan at pangalagaan ang kaligtasan ng mamamayan.
“Bawat baril, pampasabog, o ilegal na droga na ating natatanggal sa lansangan ay isang panganib na nababawasan para sa ating mga pamilya at komunidad,” ani PBGEN Peñones Jr. “Ang mga operasyong ito ay para sa kaligtasan—upang matiyak na makapamuhay ang ating mga kababayan nang walang takot.” (UnliNews Online)

