Wednesday, March 25, 2026
Amana Water Park
HomeProvincial NewsBulacan UnliNewsPamahalaang Panlalawigan, ipinakita ang suporta sa legasiya ni Francisco Balagtas sa ‘Balagtasan...

Pamahalaang Panlalawigan, ipinakita ang suporta sa legasiya ni Francisco Balagtas sa ‘Balagtasan Festival 2026’

LUNGSOD NG MALOLOS — Nakiisa ang Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa bayan ng Balagtas sa makulay at makasaysayang pagbubukas ng Balagtasan Festival 2026, sa pagdiriwang ng buhay, panitikan, at pamana ni Francisco “Balagtas” Baltazar sa Balagtas Municipal Hall noong Linggo (Marso 22).

Nagpahayag ng pag-asa si Gobernador Daniel R. Fernando, sa pamamagitan ng kanyang kinatawan na si Crispin De Luna, na ang pagbubukas ng Balagtasan Festival ay magsisilbing paanyaya, lalo na sa mga kabataan, na yakapin ang wikang Filipino, itaguyod ang sining ng pagtula nang may dangal, at ipagpatuloy ang ningas na pinasimulan ni Balagtas.

“Mga kababayan, pamana sa atin ni Gat Francisco Balagtas na tungkulin nating buhayin ang kanyang diwa sa bawat salitang ating binibigkas, sa bawat ideyang ating pinagtatanggol, at sa bawat pagkakaisang ating binubuo,” ani Fernando.

Samantala, binigyang-diin naman ng Nanunungkulang Puno ng Provincial History, Arts, Culture and Tourism Office (PHACTO) na si Limuel Jan J. Lobederio na sa paglipas ng panahon, may mga pagdiriwang na hindi lang nasusukat sa dami ng araw o nakatalagang gawain sa pista, kundi sa lalim ng kahulugan at tibay ng ugnayang nalilinang sa puso ng bawat mamamayan.

“Higit nating nasilayan ang isang mas pinalawak, mas pinagyaman, at mas makabuluhang selebrasyon. Isang patunay na ang Lokal na Pamahalaan ng Balagtas ay hindi lamang tagapagtaguyod ng tradisyon, kundi aktibong tagapaglikha ng mga makabagong pamamaraan upang ito ay higit pang mapalalim at maipamana,” ani Lobederio.

Opisyal na inilunsad ang pagdiriwang sa pamamagitan ng isang masigla at makabuluhang programa na kinabibilangan ng parada ng mga karosa, ang makulay na “Indakan sa Kalye,” at pagpupugay sa “Dilag ni Balagtas,” na sumasalamin sa kagandahan, talino, at dangal na inilalarawan sa kanyang mga akda.

Kasama rin sa pagbubukas ng kapistahan ang isang Tourism and Trade Fair, na binuo sa pakikipagtulungan ng mga barangay, na nagpapakita ng aktibong pakikilahok ng komunidad sa pagpapalakas ng lokal na kultura at pangkabuhayan.

Si Francisco “Balagtas” Baltazar ay isang dakilang makata na patuloy na nagbibigay-inspirasyon sa pagkakakilanlan ng mga Bulakenyo at mga Pilipino hanggang sa kasalukuyan, at ipinagdiriwang upang bigyang parangal ang kanyang naging ambag sa panitikang Filipino, mapanatili ang kanyang iniwang pamana, at muling pag-alabin ang pagpapahalaga sa yaman ng wikang Filipino at tradisyon ng dulaan. (May dagdag na ulat si Allan Casipit)

RELATED ARTICLES

WE ENDORSE

FOLLOW US ON FACEBOOK

Latest News