CAMP GENERAL ALEJO S. SANTOS, Bulacan — Kusang-loob na nagdeposito ng kanilang mga expired licensed firearms para sa safekeeping ang 11 firearm holders sa Santa Maria, Bulacan, habang inaayos ang renewal ng kanilang mga lisensya, bilang bahagi ng pinaigting na kampanya ng Bulacan Police Provincial Office (PPO) laban sa iresponsableng pagmamay-ari at paggamit ng armas.
Ayon sa ulat na isinumite ni P/Lt. Col. Mark Louie M. Sigua, Hepe ng Santa Maria MPS, naganap ang voluntary deposit noong Martes (October 6), matapos magsagawa ng house visitations ang mga tauhan ng Santa Maria Municipal Police Station, katuwang ang mga Barangay Peacekeeping Action Teams (BPATs) mula sa iba’t ibang barangay ng Santa Maria.
Layunin ng aktibidad na maabisuhan at mahikayat ang mga firearm holders na may expired firearm registration na boluntaryong ipa-safe keep ang kanilang mga armas habang inaasikaso ang kaukulang renewal.
Ang mga naturang armas ay may expired firearm licenses, habang ang isang firearm holder ay walang nakasaad na expiration date sa isinumiteng impormasyon.
Matapos ang boluntaryong pagdeposito, ang mga subject firearms ay maayos na dokumentado, inimbentaryo, at itinala sa safekeeping logbook ng Santa Maria MPS.
Nag-isyu rin ng Certification of Safekeeping of Firearm sa mga nagdeposito bilang katibayan ng kanilang boluntaryong pagdeposito at para sa wastong disposition habang pinoproseso ang renewal ng kanilang firearm registration.
Patuloy namang paiigtingin ng Santa Maria MPS, katuwang ang mga barangay at BPATs, ang information drive at house visitation activities upang maabot ang mga firearm holders na nangangailangan ng kaukulang paalala at gabay hinggil sa kanilang firearm registration at licensing requirements. (UnliNews Online)

