PANDI, Bulacan — Namahagi ang Team Puso at Talino sa pangunguna ni Mayor Enrico Roque at mga konsehal ng bayan ng tig-10 kilong bigas sa 2,000 tricycle driver na isinagawa sa Matias Salvador Elementary School, Brgy. Siling Bata, dito sa naturang bayan ngayong Huwebes (March 27).
Ayon sa alkalde, ito ang kanilang simpleng paraan ng pagtulong sa mga kababayang mga tricycle driver na isa sa mga pinakaapektadong sektor sa kasalukuyang sitwasyon sa Middle East na nagdulot ng patuloy na pagtaas ng langis at mga pangunahing bilihin tulad ng bigas.
Sa diwa po ng kabayanihan, napagkasunduan po namin na ilaan ang aming suweldo kasama ang mga konsehal ng bayan na sina Kon. Noel Esteban, Kon. Jonjon Roxas, Kon. Potpot Santos, Kon. Danny del Rosario, Kon. Arman Concepcion, Kon. Monette Jimenez, Kon. Vic Concepcion at ABC Kap. Ahl Angeles para ipambili ng bigas at maipamahagi sa mga aktibong miyembro ng TODA sa Pandi.

Nabatid na inilaan ng mga nasabing public officials ang kanilang suweldo sa buwan ng Marso para may maipamahagi sa mga naapektuhan ng sigalot sa Gitnang Silangan.
At habang hinihintay pa nila ang ayuda na manggagaling sa national government, ito munang 10 kilong bigas ang nais naming maipamahagi sa ating mga tricycle driver na hindi na halos kumikita dahil sa taas ng presyo ng petrolyo.
“Ang mga kwalipikadong TODA members na mabibigyan ngayong araw ay aabot sa bilang na 2,000 habang sa 2nd batch ay 2,000 uli,” ani ng alkalde.
Nagpapasalamat naman ang mga driver na nakatanggap ng bigas dahil sa sariling inisyatibo ng kanilang alkalde ang mga konsehal ng bayan na kahit paano ay maibsan ang kanilang nararanasang hirap. (May dagdag na ulat si Verna Santos)

