QUEZON City — Kinukumpirma ng Quezon City Police District (QCPD) na isang police mobile na may sakay na apat na tauhan ng Philippine National Police (PNP) at anim na Persons Under Police Custody (PUPC) ang nasangkot sa isang aksidente sa kalsada nu’ng Biyernes sa Payatas Road, Quezon City.
Batay sa paunang imbestigasyon, ang mga tauhan ay nasa gitna ng pagtupad ng kanilang opisyal na tungkulin at patungo sa Quezon City Jail – Payatas Facility para sa pormal na commitment ng mga PUPC nang maganap ang insidente.
Agad na naibigay ang kinakailangang emergency response sa lahat ng nasangkot at sila ay isinugod sa Rosario Maclang General Hospital para sa agarang pagsusuri at gamutan. Sa kasamaang palad, limang PUPC ang idineklarang nasawi ng attending physician, habang ang isa ay nananatiling nasa kritikal na kondisyon. Samantala, ang apat na tauhan ng pulisya ay nagtamo ng mga pinsala at kasalukuyang ginagamot.
Inatasan ni District Director P/Brig. Gen. Randy Glenn G. Silvio ang pagsasagawa ng masusi at agarang imbestigasyon upang matukoy ang buong pangyayari at kung may pananagutan ang sinuman. Patuloy ang pakikipag-ugnayan ng QCPD sa mga kinauukulang ahensya kaugnay ng insidente.
Sa pakikipagtulungan sa Quezon City Local Government Unit (QC LGU), magbibigay ang QCPD ng kinakailangang tulong sa mga naulilang pamilya. Nagpaabot na rin ng suporta ang QC LGU, kabilang ang tulong pinansyal para sa pagpapalibing at iba pang agarang pangangailangan ng mga apektadong pamilya.
Courtesy: PIO QCPD

