LUNGSOD NG MALOLOS (PIA) — Napanatiling tuluy-tuloy ang regular na biyahe ng mga Premium Point-to-Point Buses (P2P) mula Malolos at Santa Maria patungong North Avenue sa lungsod ng Quezon.
Resulta ito ng fuel subsidy na ipinagkaloob ni Pangulong Ferdinand R, Marcos Jr. sa mga provincial bus operators.
Sa isang pahayag, sinabi ni Transportation Secretary Banoy Lopez na may halagang P2.5 bilyon ang inilaan para sa naturang programa.
Bawat bus na may prangkisa na bumibiyahe ay may P10,000 fuel subsidy at tig-P5,000 para sa bawat driver nito.
Isa ang fuel subsidy sa mga nakapaloob sa UPLIFT Program o ang Unified Package for Livelihood, Industry, Food and Transportation ng administrasyon bilang tulong sa mga sektor na naapektuhan ng labis na pagtaas ng presyo ng krudo bunsod ng digmaan sa Gitnang Silangan.
Isa sa mga unang benepisyaryo ang P2P service ng Precious Grace Transport Corporation na bumibiyahe sa nasabing mga ruta.
Ayon sa pangulo at chief executive officer ng kumpanya na si Grace Joaquin, ang fuel subsidy na ipinagkaloob ng pamahalaan ang nagsilbing sandigan ng P2P bus service upang ipagpatuloy ang mga biyahe.
Sinabi naman ng bus driver na si Carlo Blanca na hindi lang nasigurado ang masasakyan ng mga pasahero, natiyak din ng fuel subsidy na hindi sila mawalan ng trabaho dahil hindi naman nahinto ang pagbibiyahe.
Samantala, nagsimula na rin ang implementasyon ng Service Contracting Program ng Department of Transportation sa mga modern public utility jeepney na may byaheng Malolos papuntang Hagonoy, Calumpit, Meycauayan at Sapang Palay sa San Jose Del Monte.
Bahagi ito ng nasa P800 milyon na inilaan bilang bahagi ng UPLIFT Program. (UnliNews Online)

