Saturday, May 2, 2026
Amana Water Park
HomeProvincial NewsBulacan UnliNews1,408 tsuper sa Bulacan, tumanggap ng rice subsidy mula sa Kapitolyo

1,408 tsuper sa Bulacan, tumanggap ng rice subsidy mula sa Kapitolyo

Ni RONALYN CRUZ

LUNGSOD NG MALOLOS — Umabot sa 1,408 miyembro ng Bulacan Federation of Jeepney Operators and Drivers Association (BFJODA) mula sa Calumpit at Lungsod ng Malolos ang tumanggap ng rice subsidy mula sa Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan nitong Abril 24, 2026.

Pinangunahan nina Gob. Daniel R. Fernando at Bise Gob. Alex C. Castro, kasama si PSWDO Head Rowena Joson-Tiongson, ang pamamahagi ng ayuda sa tatlong magkakahiwalay na lugar: sa Calumpit Sports Complex, sa Terminal ng Hagonoy-Malolos sa Brgy. Canalate, at sa Terminal ng MKTC sa Brgy. Sto. Rosario, Malolos.

Ayon kay Gob. Fernando, ang programa ay tugon ng Kapitolyo sa paghina ng kita ng mga tsuper dulot ng patuloy na pagtaas ng presyo ng petrolyo dahil sa tinatawag na “human conflicts” o digmaan sa Gitnang Silangan. “Sila ang pangunahing biktima ng pandaigdigang krisis sa langis at pamumuhay,” ani Fernando.

Kabilang sa mga nabigyan ng ayudang bigas ang mga jeepney driver at operator na bumibiyahe sa rutang Meycauayan-Malolos-Calumpit Boundary, Malolos-San Fernando, Malolos Diamond, Robinsons, Calumpit Diamond, Hagonoy-Crossing Malolos, Bulakan-Malolos, at mga miyembro ng MAPHAJODA TSC, BROOMPHAJODA TSC, MABJODA, at Karatig-Malolos (MKTC).

Ito na ang ikalawang ayuda ng Kapitolyo sa sektor ng transportasyon ngayong buwan matapos mamahagi ng Fuel Subsidy noong nakaraang linggo. “Para may pandagdag sila sa kanilang pamilya,” dagdag ng gobernador.

Sa kanilang mensahe, hinimok nina Fernando at Castro ang mga tsuper na maging matiisin at patuloy na lumaban sa kahirapan sa gitna ng mga pagsubok. Anila, walang nakakaalam kung kailan matatapos ang hidwaan sa Gitnang Silangan gayundin ang usapin ng korapsyon at pulitika sa bansa na nagpapahirap sa maliliit na mamamayan.

“Asahan ninyo na may gobyernong tutulong. Kahit kakaunti, kapag pinagsama-sama ay makakasapat sa pangangailangan ng buong lalawigan,” pagtitiyak ni Bise Gob. Castro.

Inihayag naman ng PSWDO na inihahanda na sa susunod na linggo ang pamamahagi ng ayuda para sa iba pang transport sector sa Bulacan upang mas marami pang pamilya ang matulungan. (UnliNews Online)

RELATED ARTICLES

WE ENDORSE

FOLLOW US ON FACEBOOK

Latest News