Ni RONALYN CRUZ
MULING pinatunayan ng Lokal na Pamahalaan ng Malolos ang kanilang dedikasyon sa kapakanan ng kabataan matapos pormal na gawaran ng Seal of Child-Friendly Local Governance (SCFLG) Plaque nitong Abril 28, 2026.
Ang parangal ay iginawad matapos pumasa ang lungsod sa 2025 Child-Friendly Local Governance Audit (CFLGA), isang masusing pagsusuri ng Department of the Interior and Local Government (DILG) at ng Council for the Welfare of Children.
Personal na tinanggap ni City Mayor Hon. Christian D. Natividad kasama si CSWO Head Lolita S.P Santos, RSW, ang naturang plake mula kina DILG Bulacan Provincial Director Myrvi Apostol-Fabia, CESO V at LGOO VI Digna A. Enriquez ng Lungsod ng Malolos.
Ayon sa DILG, ang pagpasa ng Malolos sa CFLGA ay patunay na tumutugon ang programa, serbisyo at polisiyang lungsod sa tunay na pangangailangan ng mga batang Malolenyo. Kabilang sa mga sinuri sa audit ay ang kalagayan ng kalusugan, edukasyon, proteksyon at pangkalahatang pag-unlad ng mga bata sa lungsod.
Ilan sa mga mahahalagang pamantayan na sinukat ay kung may sapat na health center para sa mga bata, kung ligtas ang mga paaralan at kalsada, kung may aktibong programa laban sa child abuse at malnutrition, at kung isinama ang boses ng kabataan sa pagpaplano ng lungsod.
“Ang pagkilalang ito ay hindi lang para sa City Hall, kundi para sa bawat batang malolenyo” pahayag ni Mayor Natividad. “Patunay ito na sa Malolos, hindi lang imprastraktura ang inuuuna, inuuna rin natin ang kinabukasan at kapakanan ng ating mga anak”
Sa pagkamit ng parangal, muling pinagtibay ng Malolos ang pangako nitong maging isang lungsod na kung saan ang bawat bata ay ligtas, malusog at may oportunidad na umunlad. (UnliNews)
Larawan: (Malolos CIO)

