CAMP ALEJO SANTOS, Bulacan — Matagumpay na naaresto ng pinagsanib na pwersa ng Bulacan Police Provincial Office ang isang Top 1 Most Wanted Person sa Regional Level sa isinagawang manhunt operation noong Sabado (Mayo 2) sa Brgy. Baybayon, Mabini, Bohol.
Base sa ulat ni P/Maj. Mark Anthony E. Tiongson, Officer-in-Charge ng Provincial Intelligence Unit (PIU) ng Bulacan PPO, bandang alas-3 ng hapon noong Mayo 2, 2026 nang maaresto sa Brgy. Baybayon, Mabini, Bohol ang akusado na isang 39 anyos, at residente ng Brgy. Longos, City of Meycauayan, Bulacan.
Ang operasyon ay isinagawa ng Tracker Team ng PIU Bulacan PPO bilang lead unit, sa pakikipag-ugnayan sa Meycauayan City Police Station, Bulacan 1st Provincial Mobile Force Company, at Mabini Municipal Police Station sa Bohol.
Ang pag-aresto ay isinagawa sa bisa ng Warrant of Arrest na inilabas noong Nobyembre 18, 2025 ng Presiding Judge ng RTC, Branch 121, Meycauayan City, Bulacan, kaugnay ng apat na bilang ng kasong Qualified Rape of a Minor na nakapaloob sa Criminal Case Nos. 7301-M-2025 hanggang 7304-M-2025. Walang inirekomendang piyansa para sa nasabing mga kaso.
Matapos ang pag-aresto, dinala ang akusado sa pagamutan para sa physical examination bago isinailalim sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon. (UnliNews Online)

