CAMP ALEJO SANTOS, Bulacan — Dalawang hinihinalang sangkot sa iligal na droga at iligal na pag-iingat ng baril ang naaresto ng mga operatiba ng San Ildefonso Municipal Police Station (MPS) sa isinagawang anti-criminality checkpoint bandang alas-2:30 ng madaling araw noong Mayo 1, 2026 sa Cagayan Valley Road, Brgy. Poblacion, San Ildefonso, Bulacan.
Batay sa ulat ni P/Lt. Col. Gilmore A. Wasin, Hepe ng San Ildefonso MPS, kinilala ang mga naarestong suspek na sina alias “Tilo,” 32 taong gulang, residente ng Brgy. Bantog, San Miguel, Bulacan at alias “Labo,” 29 taong gulang, residente rin ng Brgy. Bantog, San Miguel, Bulacan.
Habang nagsasagawa ng checkpoint operation ang mga tauhan ng San Ildefonso MPS, pinara nila ang isang asul na Euro 150 motorcycle. Sa isinagawang inspeksyon, nadiskubre sa driver ang isang caliber .38 revolver na may apat na bala na nakasukbit sa kanyang baywang dahilan upang agad silang arestuhin matapos mabigong magpakita ng kaukulang dokumento para sa baril.
Bukod sa baril at mga bala, nakumpiska rin mula sa dalawang suspek ang dalawang heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na may kabuuang timbang na humigit-kumulang 0.5 gramo at may Standard Drug Price na P3,400.00.
Ang mga naarestong suspek at nakumpiskang ebidensya ay dinala sa San Ildefonso MPS para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon, habang isasailalim naman sa pagsusuri ng Bulacan Provincial Forensic Unit ang mga nakumpiskang droga at baril. Inihahanda na rin ang pagsasampa ng mga kasong paglabag sa RA 4136, RA 10591, at Section 11, Article II ng RA 9165 laban sa mga suspek.
Ayon kay P/Col. Jay B. Baybayan, Officer-In-Charge ng Bulacan Police Provincial Office, patuloy ang pinaigting na operasyon ng kapulisan laban sa ilegal na droga, loose firearms, at iba pang kriminalidad upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa buong lalawigan ng Bulacan. (UnliNews Online)

