CAMP ALEJO SANTOS, Bulacan — Sa pinaigting na laban kontra sa iligal na droga, matagumpay na nagsagawa ng magkakahiwalay na buy-bust operation ang Bulacan Police Provincial Office noong Huwebes (May 7), na nagresulta sa pagkakaaresto ng 9 na indibidwal, pagkakasamsam ng 27 sachet ng hinihinalang shabu na may halagang mahigit P162,449.00 at buy-bust money.
Ayon kay PCol. Jay B. Baybayan, Officer-In-Charge ng Bulacan Police Provincial Office, isang drug suspect ang naaresto sa isinagawang buy-bust operation laban sa iligal na droga sa Brgy. Poblacion, Baliwag dakong 01:45 ng madaling araw Huwebes. Nakumpiska mula sa suspek ang 3 na plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na may tinatayang halaga na P41,480 at buy-bust money.
Samantala, ayon sa ulat ng mga hepe ng Guiguinto, Doña Remedios Trinidad, Pulilan, Balagtas, Santa Maria, Plaridel, at Norzagaray Police Station, walo pa na indibidwal ang naaresto sa magkahiwalay na operasyon laban sa ilegal na droga na nagresulta sa pagkakakumpiska ng 24 sachet ng hinihinalang shabu na may tinatayang kabuuang halagang P120,969.00 at buy bust money.
Ang lahat ng mga naarestong suspek ay nasa kustodiya na ng pulisya at mahaharap sa mga kasong paglabag sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Bilang bahagi ng pinaigting na laban kontra sa ilegal na droga, patuloy ang Bulacan Police Provincial Office sa pagpapatupad ng mga operasyon laban sa mga sangkot dito.
Ayon pa kay P/Col. Baybayan, ang mga ito ay bahagi ng mas malawak na kampanya upang mapanatili ang kaayusan at kaligtasan ng mga mamamayan sa Bulacan. (UnliNews Online)

