LUNGSOD NG MALOLOS – Inilunsad ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa pamamagitan ng Panlalawigang Tanggapan ng Pagsasaka ang pagdiriwang ng Farmers’ and Fisherfolk Month sa Bulacan Capitol Gymnasium, hudyat ng pagsisimula ng serye ng mga aktibidad na nakatuon sa pagpapalakas at pagsuporta sa sektor ng agrikultura at pangisdaan sa lalawigan.
Sa kanyang anunsyo, inilahad ni Ma. Gloria SF. Carrillo, Puno ng Provincial Agriculture Office, ang mga programang isasagawa sa buong buwan ng Mayo 2026 na naglalayong palakasin ang produktibidad sa agrikultura, mapahusay ang access sa mga serbisyo, at isulong ang sustainable farming at pangingisda sa lalawigan.
Kabilang sa mga pangunahing aktibidad ang Kadiwa ng Pangulo sa Kapitolyo na gaganapin sa Mayo 7 at 21, 2026 sa harap ng Bulacan Capitol Gymnasium, na magbibigay ng abot-kayang produktong agrikultural direkta sa mga mamimili. Isasagawa rin ang Credit Forum para sa mga rehistradong Farmers and Fisherfolk Cooperative Associations (FCAs) sa ilalim ng FFEDIS sa Mayo 13, 2026 sa Farmers/Fisherfolks Training Center sa loob ng Tanggapan ng Panlalawigang Agrikultura upang mapalawak ang kanilang access sa serbisyong pinansyal.
Magkakaroon din ng pamamahagi ng Solar-Powered Irrigation Systems sa mga bayan ng San Rafael, San Miguel, at Angat sa Mayo 14, 2026 bilang pagpapalakas ng suportang irigasyon para sa mga lokal na magsasaka. Sa Mayo 19, 2026, gaganapin ang inagurasyon ng Organic Rice Milling Facility na may kasamang bodega at multi-purpose drying pavement para sa Pigmented Rice sa ilalim ng Organic Agriculture Program sa Joyful Garden Organic Farm sa Mataas na Parang, San Ildefonso, kasabay ng paglulunsad ng Mobile Soils Laboratory sa buong lalawigan.
Kabilang pa sa mga aktibidad ang Distribution of Livelihood Assistance to Farmers and Fisherfolk sa Mayo 20, 2026 sa The Pavilion ng Hiyas ng Bulacan Convention Center sa Lungsod ng Malolos, at ang Graduation Ceremony ng mga kalahok sa Fishfarmer Field School on Green Water Technology sa Mayo 25, 2026 sa Farmers/Fisherfolks Training Center.
Samantala, magtatapos ang isang buwang pagdiriwang sa pamamagitan ng dalawang araw na pagsasanay sa Vermicomposting sa ilalim ng Community-Based Soil Amendment Production Program sa Mayo 27 at 28, 2026 sa Merryland Integrated Farm and Training Center sa Taal, Pulilan, Bulacan, na magbibigay ng kaalaman sa mga kalahok hinggil sa sustainable soil management practices.
Ipinagdiriwang ang buwan ng Mayo bilang Buwan ng mga Magsasaka at Mangingisda sa Pilipinas sa bisa ng Presidential Proclamation No. 33 na inilabas noong 1989, bilang pagkilala sa mahalagang papel ng mga manggagawang agrikultural sa pagtitiyak ng seguridad sa pagkain at sa ambag nila sa pambansang kaunlaran.
Ang pagdiriwang na pinangungunahan ng Department of Agriculture ay binubuo ng iba’t ibang aktibidad na naglalayong isulong ang sustainable livelihood, modernisasyon ng sektor, at pagbibigay-pugay sa ambag ng mga magsasaka at mangingisda sa bansa. (UnliNews Online)

