ISANG Philippine Serpent Eagle ang nasagip ng isang residente mula sa Barangay Mabini, Baggao, Cagayan matapos itong pumasok sa kanilang tahanan noong Sabado (Mayo 16).
Agad na ipinagbigay alam ng nasabing residente sa mga awtoridad, sa pamunuan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR)-Community Environment and Natural Resources Office (CENRO) Alcala, at sa Baggao Eco Vanguard Network para sa agarang pagbibigay-lunas sa nasagip na agila.
Ayon sa CENRO Alcala, posibleng nakaranas lamang ng matinding pagod o stress ang agila kaya ito napadpad sa lugar.
Dagdag pa rito, wala namang nakitang sugat o pinsala sa katawan ng agila nguni’t patuloy pa rin itong minomonitor ng mga awtoridad sa CENRO Alcala bago ito tuluyang pakawalan at ibalik sa natural nitong tahanan.
Samantala, pinaalalahanan naman ang publiko na kapag nakakita ng wildlife ay agad ipagbigay-alam ito sa mga awtoridad para masagip at maiwasan ang anumang panganib dahil ito ay may kaakibat na batas sa ilalim ng RA 9147 o Wildlife Resources Conservation and Protection Act.
Photo: Frederic Tomas of DENR CENRO Alcala

