CAMP ALEJO SANTOS, Bulacan — Arestado ang dalawang hinihinalang tulak ng iligal na droga matapos magsagawa ng buy-bust operation ang mga operatiba ng San Ildefonso Municipal Police Station (MPS) bandang alas-11:00 ng gabi noong Lunes (Mayo 18) sa Brgy. Calasag, San Ildefonso, Bulacan.
Batay sa ulat ni P/Lt. Col. Gilmore A. Wasin, Chief of Police ng San Ildefonso MPS, kinilala ang mga naarestong suspek na sina alias “Muyok,” 47 taong gulang at residente ng Angat, Bulacan, at alias “Allan,” 33 taong gulang at residente ng Muñoz, Nueva Ecija.
Nabatid sa nasabing operasyon, matagumpay na nakabili ang poseur buyer ang 1 sachet ng hinihinalang shabu gamit ang 1 pirasong buy-bust money na nagkakahalaga ng P500.00.
Sa isinagawang pag-aresto at body search, nakumpiska mula sa mga suspek ang kabuuang 14na piraso ng heat-sealed transparent plastic sachets na naglalaman ng hinihinalang shabu na may kabuuang timbang na humigit-kumulang 10 gramo at may Standard Drug Price na P68,000.00. Narekober din mula kay alias “Muyok” ang isang caliber .22 revolver na walang serial number, may trademark na “Black Widow,” at loaded ng apat (4) na live ammunitions.
Ang mga naarestong suspek ay dinala sa San Ildefonso MPS para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon habang inihahanda ang pagsasampa ng kasong paglabag sa Sections 5, 11 at 26, Article II ng RA 9165 at paglabag sa RA 10591. Isasailalim din sa pagsusuri ng Bulacan Provincial Forensic Unit ang mga nakumpiskang ebidensya.
Binigyang diin ni Col. Jay B. Baybayan, Officer-In-Charge ng Bulacan Police Provincial Office, na patuloy ang mas pinaigting na kampanya ng Bulacan PPO laban sa ilegal na droga at loose firearms upang matiyak ang kaligtasan ng mamamayan at mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa buong lalawigan ng Bulacan. Aniya, mananatiling agresibo ang operasyon ng kapulisan laban sa lahat ng uri ng kriminalidad. (UnliNews Online)

