MALOLOS CITY, Bulacan — Walong pampublikong pamilihan sa Lalawigan ng Bulacan ang kinilala sa “Huwarang Palengke 2026” dahil sa pagpapanatili ng kalinisan, kaayusan, at kaligtasan, bilang pagkilala sa mga lokal na pamahalaang nagsusulong ng mas maayos na serbisyo para sa mga tindero at mamimili.
Kabilang sa mga kinilalang pamilihan ang mula sa mga bayan ng Angat, Calumpit, Bustos, Hagonoy, Pandi, San Ildefonso, at San Rafael, gayundin ang Lungsod ng Baliwag.
Lumahok ang Provincial Cooperative and Enterprise Development Office (PCEDO) sa awarding ceremony na ginanap sa Nicanor Abelardo Auditorium bilang bahagi ng Technical Working Group (TWG) na nangasiwa sa paghahanap ng mga huwarang pampublikong pamilihan.
Layunin ng programa na kilalanin ang mga lokal na pamahalaan na nagsusulong ng mahusay na pamamahala sa mga pamilihan, kalinisan at kaayusan, at ligtas at komportableng kapaligiran para sa mga nagtitinda at mamimili.
Ayon sa PCEDO, patuloy nitong susuportahan ang mga programang naglalayong mapahusay ang pamamahala sa mga pampublikong pamilihan at mapalakas ang lokal na pag-unlad ng ekonomiya sa lalawigan. (UnliNews Online)

