CAMP GENERAL ALEJO S. SANTOS, Bulacan — Tatlong hinihinalang drug personality ang naaresto habang nasamsam ang tinatayang P170,000 halaga ng hinihinalang shabu sa isinagawang buy-bust operation sa San Jose del Monte City, Bulacan, noong Lunes (Oktubre 12).
Ayon sa ulat, isinagawa ng San Jose del Monte City Police Station (SJDM CPS) ang operasyon bandang alas-5 ng hapon sa Barangay Citrus, kung saan nakumpiska ang hinihinalang shabu na may kabuuang timbang na 25 gramo.
Ayon sa ulat ng P/Lt. Col. Nelson M. Sardin, Chief of Police, ng SJDM CPS, naaresto ang mga suspek na kinilalang sina alyas “Rey,” 56 taong gulang, alyas “Mel,” 54 taong gulang, alyas “JJ,” 31 taong gulang.
Arestado ang mga ito matapos umanong magbenta ng 1 sachet ng hinihinalang shabu sa isang pulis na nagsilbing poseur-buyer kapalit ng P500.00 marked money. Sa isinagawang paghahalughog, nakumpiska rin ang 5 karagdagang sachet ng hinihinalang shabu.
Dinala ang mga naarestong suspek at ang mga nakumpiskang ebidensya sa SJDM CPS para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon. Isasailalim ang mga suspek sa drug testing at ang mga nakumpiskang ebidensya sa laboratory examination sa Bulacan Provincial Forensic Unit.
Inihahanda na ang kaukulang reklamong kriminal laban sa mga suspek para sa paglabag sa Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (UnliNews Online)

