CAMP ALEJO S. SANTOS, Bulacan — Arestado ang isang ‘tulak’ ng iligal na droga sa ikinasang anti-illegal drug operation sa Brgy. Caysio, Santa Maria, Bulacan nung Huwebes (Mayo 21).
Ayon sa ulat ni P/Lt. Col. Mark Louie M. Sigua, Hepe ng Santa Maria MPS, kinilala ang suspek na si Alyas Mac-Mac, 35-anyos, at residente ng Northville 5A, Brgy. Caysio, Santa Maria, Bulacan.
Sa paunang imbestigasyon ng Santa Maria MPS, dakong 3:17 ng hapon nang magsagawa ng buy-bust operation ang pinagsanib na pwersa ng SDEU Santa Maria MPS, kasama ang Bulacan PIU, Bulacan PIT East, RIU3, at PDEA Bulacan na nagresulta sa pagkakaaresto ng suspek.
Nakumpiska mula sa suspek ang tinatayang 3.0 gramo ng hinihinalang shabu na may tinatayang halaga na humigit-kumulang P20,400.00, isang improvised short firearm o “sumpak” na may isang pirasong 9mm live ammunition, at ang buy-bust money na ginamit sa operasyon.
Dinala ang suspek at mga nakumpiskang ebidensya sa Santa Maria MPS para sa kaukulang dokumentasyon at pagsasampa ng kasong paglabag sa Sections 5 at 11, Article II ng RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, at paglabag sa RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
Samantala, pinuri ni PCOL JAY B BAYBAYAN, OIC ng Bulacan PPO, ang matagumpay na operasyon ng mga operatiba at muling iginiit ang pinaigting na kampanya laban sa ilegal na droga at loose firearms sa lalawigan ng Bulacan.
“Hindi titigil ang Bulacan PPO sa mas pinaigting na kampanya laban sa ilegal na droga at kriminalidad. Ang pagkakaaresto sa mga sangkot sa ilegal na gawain at pagkakasamsam ng mga ipinagbabawal na droga at baril ay patunay ng aming matatag na paninindigan na panatilihing ligtas at mapayapa ang ating mga komunidad. Patuloy naming hinihikayat ang publiko na makiisa at maging mapagmatyag upang tuluyang mapuksa ang mga banta sa kapayapaan at kaayusan sa lalawigan,” pahayag ni Col. Baybayan. (UnliNews Online)

