CAMP ALEJO SANTOS, Bulacan — Arestado ang isang street level individual na kabilang sa PNP-PDEA Unified Watchlist matapos ikasa ng Drug Enforcement Unit ng Baliwag City Police Station ang matagumpay na buy-bust operation sa Brgy. Pagala, City of Baliwag, Sabado ng madaling araw (Mayo 23).
Ayon sa ulat ni P/Lt. Col. Eisbon L. Llamasares, Hepe ng Baliwag CPS, kinilala ang nadakip na suspek na si Alyas Dac, 21 taong gulang na tattoo artist, at residente ng Padre Damaso St., Brgy. Concepcion, Baliwag City.
Nadakip ang suspek matapos nitong bentahan ng dalawang medium heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang high-grade marijuana o “Kush” ang undercover police poseur-buyer kapalit ng isang marked money na limang daang piso. Matapos ang transaksyon ay agad na inaresto ang suspek at isinailalim sa lawful frisking procedure.
Nakumpiska mula sa kanyang pag-iingat ang karagdagang isang maliit na sachet ng hinihinalang Kush, dalawang malalaking ziplock transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang high-grade marijuana, at dalawang cartridge liquid na hinihinalang high-grade marijuana. Tinatayang nasa 80 gramo ang kabuuang bigat ng nakumpiskang ilegal na droga na may halagang humigit-kumulang P120,000.00.
Dinala naman ang suspek at mga nakuhang ebidensya sa Baliwag City Police Station para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon. Inihahanda na ang pagsasampa ng kasong paglabag sa Sections 5 at 11, Article II ng RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 laban sa nadakip na suspek, habang isasailalim naman sa laboratory examination at drug testing ang mga nakumpiskang ebidensya sa Bulacan Provincial Forensic Unit.
Pinuri ni P/Col. Jay B. Baybayan, OIC ng Bulacan PPO, ang dedikasyon at matagumpay na operasyon ng Baliwag CPS laban sa ilegal na droga. Ayon kay Col. Baybayan, patuloy na magiging mahigpit at agresibo ang Bulacan PPO sa kampanya laban sa mga sangkot sa ilegal na droga upang maprotektahan ang komunidad laban sa epekto nito. (UnliNews Online)

