CAMP ALEJO SANTOS, Bulacan — Arestado ang isang lalaki matapos maaktuhan sa isinagawang buy-bust operation ng mga operatiba ng Bocaue Municipal Police Station kaugnay sa iligal na pagbebenta ng baril at ‘granada’ sa Brgy. Antipona, Bocaue, Bulacan nitong Linggo ng madaling araw (Mayo 24).
Base sa ulat ng Bocaue police kinilala ang suspek na si Alyas Ugong, 33-anyos na laborer, at residente ng Brgy. Antipona, Bocaue, Bulacan.
Bandang alas-12:40 ng madaling araw nang magsagawa ng buy-bust operation ang mga operatiba laban sa suspek kaugnay sa bentahan ng iligal na baril.
Nagresulta ang operasyon sa matagumpay na pagkakaaresto sa suspek at pagkakasamsam ng isang belt bag na naglalaman ng pinaghihinalaang hand grenade at Cal.38 pistol, gayundin ng buy-bust money na binubuo ng isang genuine P1,000.00 bill at P2,000.00 boodle money.
Agad namang humingi ng tulong ang Bocaue MPS sa Provincial Explosive Canine Unit (PECU) sa Malolos, Bulacan upang magsagawa ng kaukulang explosives investigation kaugnay sa nakuhang pinaghihinalaang granada.
Dinala ang suspek at mga nakumpiskang ebidensya sa Bocaue MPS para sa wastong dokumentasyon at disposisyon habang inihahanda ang pagsasampa ng kasong paglabag sa Republic Act No. 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act at Republic Act No. 9516. (UnliNews Online)

