LUNGSOD NG MALOLOS — Nanawagan si Gobernador Daniel R. Fernando sa mga Pilipino na magkaisa sa gitna ng tumataas na tensiyon sa politika sa bansa at sinabing muling ituon ang mga prayoridad ng pamahalaan sa mga pinaka nangangailangang sektor ng lipunan.
Sinabi ito ni Fernando kasabay ng pagdiriwang ng ika-128 Anibersaryo ng Kalayaan ng Pilipinas ngayong Hunyo 12 sa makasaysayang bakuran ng Simbahan ng Barasoain sa lungsod na ito.
“Habang tayo ay nagtatalakayan at madalas ay nagkakaroon ng hindi pagkakaunawaan, may mga pamilyang nangangailangan ng hanap-buhay. May mga kabataang nangangarap ng mas maayos na edukasyon. May mga magsasaka at mangingisdang umaasa sa tulong at pagkakataon. May mga pamayanang nangangailangan ng mas matatag na proteksiyon laban sa sakuna at mga hamon ng panahon,” ani Fernando.

Dagdag pa niya, bagama’t binibigyan ng demokrasya ang bawat isa ng kalayaang magkaroon ng magkakaibang pananaw, hinihingi rin aniya nito ang pagkakaisa ng mga Pilipino para sa mas mataas na layunin.
“Tama nga po na ang demokrasya ay nagbibigay sa atin ng kalayaang magkaiba ng opinyon. Ngunit higit pa rito, hinihingi nito ang kakayahang magkaisa para sa mas malaking layunin ng higit sa sarili. Ito ay ang layunin para sa isang tunay na malayang bansa,” aniya.
Samantala, ibinahagi ni National Historical Commission of the Philippines Commissioner Dr. Francis M. Navarro sa kaniyang mensahe na hindi nagtapos ang pakikibaka para sa kalayaan nang makamit ng bansa ang kasarinlan, kundi nararapat itong ipagpatuloy hanggang sa mga susunod na henerasyon.
“Madalas nating iniisip na ang pakikibaka para sa kalayaan ay nagtapos noong makamit natin ang ating kasarinlan. Ngunit ipinakikita ng ating kasaysayan na ang kalayaan ay hindi isang huling destinasyon—ito ay isang patuloy na paninilbihan,” ani Navarro.
“Ang kalayaan ng ating bansa ay hindi lamang isang pamana nadapat nating ingatan, ito ay isang proyektong dapat natingipagpatuloy. Ang kuwento ng Pilipinas ay hindi pa tapos. Tayo ang tagapagmana ng kanilang [mga ninuno] mga pangarap, at tayo rin ang mga may akda ng mga susunod na kabanata,” dagdag pa niya.
Pinangunahan din ni Navarro ang pag-aalay ng bulaklak sa bantayog ni Heneral Emilio Aguinaldo kasama sina Fernando, Bise Gob. Alexis C. Castro, Punong Lungsod ng Malolos Abgd. Christian D. Natividad, at Pangalawang Punong Lungsod Gilbert T. Gatchalian.
Ginamit din ni Fernando ang okasyon upang parangalan ang kuwento ng pagsisikap at sakripisyo ni Rene Clert “Bobet” Baterbonia, ang batang manlalaro ng basketball mula sa Agusan del Sur na nasawi sa pagkalunod noong Hunyo 8 sa lalawigan ng Aurora. Ayon sa gobernador, hindi aniya nasayang ang buhay ni Baterbonia at mananatili itong inspirasyon para sa kabataan, lalo na sa mga Bulakenyo.
“Saksi tayong lahat sa kuwento ng isang kabataan, ang Davao Eagle na si Rene Baterbonia. Isang kabataang binawian ng buhay habang nasa gitna ng pagsasanay patungo sa kaniyang pangarap. Isang kabataan na ang tanging nais ay maging isang mahusay na atleta, sa isang larong malapit sa puso ng bawat Pilipino. At sa pamamagitan noon ay mahango ang kaniyang pamilya sa kahirapan.”
“May he rest in peace, but we pray that the dream he carried continues to live in the hearts of our young citizens,” dagdag niya. (UnliNews Online)

