CAMP GEN. ALEJO SANTOS, Bulacan — Dalawang indibidwal na kabilang sa PNP-PDEA Unified Watchlist ang naaresto sa isinagawang buy-bust operation ng mga operatiba ng Baliwag City Police Station sa Brgy. Tarcan, City of Baliwag, Bulacan, Huwebes ng madaling-araw (Hunyo 18).
Ayon sa ulat na isinumite ni P/Lt. Col. Eisbon L. Llamasares, Hepe ng Baliwag CPS, kinilala ang mga naarestong suspek na sina Alyas Rome, 37 taong gulang na field collector at residente ng Poblacion, Pandi, Bulacan, at Alyas Gracia, 32 taong gulang, at residente ng Sitio Mulawin, Brgy. Tarcan, City of Baliwag, Bulacan. Pareho silang kabilang sa Street Level Individual ng PNP-PDEA Unified Watchlist.
Batay sa ulat ng Baliwag City Police Station Drug Enforcement Unit, nagsagawa ng anti-illegal drug operation na nagresulta sa pagkakaaresto ng mga suspek bandang 1:45 ng madaling-araw at matagumpay na naibenta ng mga suspek sa undercover police poseur buyer ang isang sachet ng hinihinalang shabu kapalit ang marked money.
Narekober mula sa mga suspek ang hinihinalang shabu na may tinatayang timbang na humigit-kumulang 7.2 gramo at may tinatayang halaga na P48,960.00. Nakumpiska rin ang isang improvised home-made firearm at dalawang bala ng 9mm.
Ang mga naarestong suspek at mga nakumpiskang ebidensya ay isinailalim sa tamang dokumentasyon at dadalhin sa Bulacan Provincial Forensic Unit para sa laboratory examination at drug testing. Inihahanda na rin ang kaukulang reklamong kriminal laban sa mga suspek para sa paglabag sa Section 5 at 11, Article II ng RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at paglabag sa RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act. (UnliNews Online)

