CAMP ALEJO SANTOS, Bulacan — Arestado ang 12 na indibidwal na sangkot sa ilegal na droga sa magkahiwalay na buy-bust operations na isinagawa ng Bulacan police nitong Lunes at Martes (Hunyo 15 at 16).
Ayon sa ulat dalawang sangkot sa ilegal na droga ang naaresto sa isinagawang buy-bust operation ng mga operatiba ng Santa Maria Municipal Police Station sa Brgy. Caysio, Santa Maria, Bulacan noong Hunyo 17, 2026.
Kinilala ang mga suspek na sina Alyas EJ, 37 taong gulang at kabilang sa Street Level Individual, at Alyas Bert, 30 taong gulang, kapwa residente ng Santa Maria, Bulacan.
Nakumpiska sa operasyon ang humigit-kumulang 25 gramo ng hinihinalang shabu na may tinatayang halaga na P170,000 gayundin ang buy-bust money na ginamit sa transaksyon.
Samantala, ayon sa ulat na isinumite ng mga Chief of Police ng Meycauayan CPS, Bocaue, San Miguel, Bulakan, at Paombong MPS, magkahiwalay na drug-bust operations na isinagawa ng kani-kanilang Station Drug Enforcement Units na nagresulta sa pagkakaaresto ng 12 drug pushers at pagkakasabat ng hinihinalang shabu na may tinatayang bigat na 81.01 gramo at may tinatayang halaga na Php 550,868.00, kasama ang buy-bust money.
Ang mga naarestong suspek at nakumpiskang ebidensiya ay dinala sa Bulacan Forensic Unit para sa kaukulang pagsusuri, habang inihahanda na ang mga kasong paglabag sa Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) na isasampa laban sa mga suspek. (UnliNews Online)

