CAMP ALEJO SANTOS, Bulacan — Limang indibidwal ang naaresto sa isinagawang buy-bust operation ng mga operatiba ng Pandi Municipal Police Station sa Brgy. Cacarong Bata, Pandi, Bulacan, bandang 2:30 ng madaling-araw noong Huwebes (Hunyo 18).
Batay sa ulat ni Lt. Col. Nelson M. Sardin, Hepe ng Pandi MPS, nagsagawa ng anti-illegal drug operation ang Station Drug Enforcement Unit nila na nagresulta sa pagkakaaresto ng mga suspek at pagkakarekober ng anim na sachet ng hinihinalang shabu na may timbang na humigit-kumulang 5 gramo at may tinatayang halaga na P34,000.00, isang sachet ng hinihinalang marijuana na may timbang na 2 gramo at halagang P240.00, isang caliber .45 pistol, isang magazine, anim na bala ng caliber .45, isang coin purse, at buy-bust money.
Dinala ang mga suspek at nakumpiskang ebidensya sa Pandi MPS para sa dokumentasyon at tamang disposisyon bago isumite sa Bulacan Provincial Forensic Unit para sa laboratory examination at drug testing. Nahaharap sila sa kasong paglabag sa Sections 5, 11, at 26 ng Article II ng RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, at paglabag sa RA 10591.
Patuloy ang pinaigting na kampanya ng Bulacan Police Provincial Office sa pamumuno ni P/Col. Jay B. Baybayan, Acting Provincial Director laban sa ilegal na droga at ilegal na pagmamay-ari ng baril upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa lalawigan ng Bulacan, habang hinihikayat ang publiko na makiisa sa pagpapanatili ng ligtas at mapayapang komunidad. (UnliNews Online)

