CAMP ALEJO SANTOS, Bulacan — Nasakote ng mga operatiba ng Bulacan Police Provincial Office ang 11 indibidwal na sangkot sa iligal na droga sa magkakahiwalay na buy-bust operations na isinagawa ng Bulacan PPO nitong Linggo (Hunyo 21).
Base sa ulat ng San Miguel police, anim na sangkot sa ilegal na droga ang naaresto sa magkahiwalay na buy-bust operations na isinagawa ng Station Drug Enforcement Unit noong Linggo sa bayan ng San Miguel, Bulacan.
Unang naaresto dakong alas-4:40 ng hapon sa Brgy. Malibay, San Miguel ang tatlong suspek. Nakumpiska mula sa kanila ang apat na sachet ng hinihinalang shabu na may timbang na humigit-kumulang 5 gramo at may halagang humigit-kumulang P34,000.00, gayundin ang marked money.
Samantala, dakong alas-8:50 ng gabi sa Brgy. Calumpang, San Miguel, isa pang buy-bust operation ang ikinasa ng parehong operating unit na nagresulta sa pagkakaaresto ng tatlo pang suspek. Nakumpiska mula sa kanila ang limang sachet ng hinihinalang shabu na may kabuuang timbang na humigit-kumulang 4.4 gramo at may halagang humigit-kumulang P29,920.00, kasama marked money.
Samantala, ayon sa ulat na isinumite ng mga Chief of Police ng Santa Maria, Plaridel, at Balagtas MPS, magkahiwalay na drug-bust operations na isinagawa ng kani-kanilang Station Drug Enforcement Units na nagresulta sa pagkakaaresto ng 5 drug pushers at pagkakasabat ng hinihinalang shabu na may tinatayang bigat na 12 gramo at may tinatayang halaga na P81,600.00, kasama ang buy-bust money.
Ang mga naarestong suspek at nakumpiskang ebidensiya ay dinala sa Bulacan Forensic Unit para sa kaukulang pagsusuri, habang inihahanda na ang mga kasong paglabag sa Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) na isasampa laban sa mga suspek. (UnliNews Online)

