CAMP ALEJO SANTOS, Bulacan — Arestado ang dalawang High-Value Individuals (HVIs) matapos masakote sa isang buy-bust operation na isinagawa ng mga operatiba ng San Ildefonso Municipal Police Station (MPS) at Bulacan Provincial Drug Enforcement Unit (PDEU) sa Brgy. Poblacion, San Ildefonso, Bulacan noong Miyerkules ng gabi (June 24).
Batay sa ulat ni P/Lt. Col. Gilmore A. Wasin, Chief of Police ng San Ildefonso MPS, kinilala ang mga naarestong suspek na sina alias “Kuys” at alias “Bert,” kapwa 30 taong gulang, walang trabaho, at residente ng Brgy. Sta. Barbara, Baliuag City, Bulacan. Ang dalawa ay kabilang sa PNP-PDEA Unified Drug Watchlist bilang High-Value Individuals.
Naaresto ang mga suspek matapos magbenta ng isang pakete ng hinihinalang marijuana fruiting tops sa isang operatibang nagpanggap na poseur-buyer sa isinagawang buy-bust operation.
Nasamsam mula sa mga suspek ang humigit-kumulang 2 kilo ng hinihinalang pinatuyong marijuana fruiting tops na may Standard Drug Price (SDP) na P240,000.00 at humigit-kumulang 30 gramo ng hinihinalang marijuana kush na may katumbas na halagang P42,000.00.
Kabilang din sa mga nakumpiskang ebidensiya ang buy-bust money at iba pang pakete ng hinihinalang marijuana. Ang kabuuang halaga ng nakumpiskang ilegal na droga ay tinatayang P282,000.00. Nakumpiska rin ang isang pulang Mitsubishi Mirage na ginagamit umano ng mga suspek.
Ang mga naarestong suspek at mga nakumpiskang ebidensiya ay dinala sa San Ildefonso MPS para sa kaukulang dokumentasyon at paghahanda ng mga kasong paglabag sa Sections 5, 11, at 26 ng Article II ng Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (UnliNews Online)

