CAMP ALEJO SANTOS, Bulacan — Sa pagpapaigting ng kampanya laban sa iligal na droga, matagumpay na nagsagawa ng magkakahiwalay na buy-bust operation ang Bulacan police noong Martes at Miyerkules (June 23-24), na nagresulta sa pagkakaaresto ng 12 na indibidwal at pagkakasamsam ng 24 sachet ng hinihinalang shabu ng mahigit P119,680.00 at buy-bust money.
Batay sa report ni P/Lt. Col. Reyson M. Bagain, Hepe ng SJDM CPS, apat na drug suspect ang naaresto sa isinagawang buy-bust operation laban sa iligal na droga sa Purok 4, Brgy. Graceville, CSJDM, Bulacan noong Martes ng gabi. Nakumpiska mula sa suspek ang anim na plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na may tinatayang halaga na P34,000.00 at buy-bust money.
Samantala, ayon sa ulat ng mga hepe ng Hagonoy, San Rafael, Pandi, Bulakan, at Obando Police Station, 8 pa na indibidwal ang naaresto sa magkahiwalay na operasyon laban sa ilegal na droga na nagresulta sa pagkakakumpiska ng 18 sachet ng hinihinalang shabu na may tinatayang kabuuang halagang P85,680.00 at buy bust money.
Ang lahat ng mga naarestong suspek ay nasa kustodiya na ng pulisya at mahaharap sa mga kasong paglabag sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Bilang bahagi ng pinaigting na laban kontra sa ilegal na droga, patuloy ang Bulacan Police Provincial Office sa pagpapatupad ng mga operasyon laban sa mga sangkot dito. Ayon kay P/Col. Jay B. Baybayan, Acting Provincial Director ng Bulacan PPO, ang mga ito ay bahagi ng mas malawak na kampanya upang mapanatili ang kaayusan at kaligtasan ng mga mamamayan sa Bulacan. (UnliNews Online)

