CAMP ALEJO SANTOS, Bulacan — Isang 14-anyos na estudyante sa Grade 10 ang namatay sa insidente ng pananaksak na naganap sa Barangay Subic, Lungsod ng Baliwag noong Lunes ng madaling araw (Hunyo 29, 2026).
Batay sa ulat ni P/Lt. Col. Eisbon L. Llamasares, hepe ng Baliwag CPS, na bandang 3:30 a.m., nakatanggap ang Baliwag City Police Station ng tawag mula sa isang ospital hinggil sa isang menor de edad na babae na isinugod doon matapos magkaroon ng saksak sa leeg. Agad na nagtungo ang mga imbestigador sa ospital upang beripikahin ang ulat.
Sa pagberipika, napag-alaman na ang biktima ay isinugod sa ospital ng suspek kasama ang ina ng suspek. Sa kabila ng agarang pagsisikap ng mga medical personnel na iligtas ang buhay ng biktima, idineklara siyang dead on arrival ng attending physician.
Ang 37-anyos na lalaking suspek, na isa ring guro at stepfather ng biktima ay agad na inaresto at kasalukuyang nasa kustodiya ng pulisya habang nagpapatuloy ang masusing imbestigasyon sa insidente.
Nagsagawa ang mga tauhan ng Baliwag CPS ng ocular inspection sa pinangyarihan ng krimen at humiling ng tulong mula sa Bulacan Provincial Forensic Unit para sa pagproseso ng crime scene at iba pang forensic na pagsusuri.
Samantala, ang suspek ay inilagay sa kustodiya ng Baliwag City Police Station para sa kinakailangang dokumentasyon at paghahanda ng mga kasong isasampa laban sa kanya.
Ayon kay P/Col. Jay B. Baybayan, acting Provincial Director ng Bulacan PPO, patuloy na inuuna ng pulisya ang masusing imbestigasyon sa mga insidente ng karahasan upang matiyak ang agarang pag-uusig sa sinumang lalabag sa batas.
Sa kabilang banda, naglabas ng opisyal na pahayag si Baliwag City Mayor Sonia V. Estrella na nagsabing, “Mariin naming kinokondena ang malupit at nakapanlulumong pagpaslang sa isang 14-anyos na estudyante mula sa Barangay Subic, Lungsod ng Baliwag, na naganap sa mga unang oras ng Lunes, Hunyo 29, 2026, at kung saan ang sinasabing suspek ay iniulat na stepfather ng biktima.
“Ang insidenteng ito ay hindi lamang isang mabigat na krimen laban sa isang inosenteng bata kundi isang pag-atake rin sa ating pinapahalagahang mga karapatan, dignidad, at kaligtasan ng bawat mamamayan, lalo na ng ating kabataan, na nararapat mabuhay nang malaya mula sa anumang uri ng karahasan at pang-aabuso,” pahayag ng lokal na punong ehekutibo. (UnliNews Online)

