LUNGSOD NG MALOLOS — Mula sa mga katakam-takam na pagkain hanggang sa mga gawang-kamay na lokal na kasuotan, muling nagningning ang sining at pamana ng Bulacan sa opisyal na pagbubukas ng Tatak Singkaban Trade Fair 2026 sa Robinsons Place Malolos nitong Lunes (Aug. 24) hatid ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan, sa pamamagitan ng Provincial Cooperative and Enterprise Development Office (PCEDO).
Bahagi ng taunang Singkaban Festival ng lalawigan, layunin ng trade fair na palakasin ang mga lokal na entreprenyur at ibida ang mga produktong Tatak Bulakenyo sa mas malawak na merkado.
Tampok ang 42 Bulakenyong exibitor sa nasabing trade fair na bukas sa publiko mula Agosto 24-28, 2026, sa Robinsons Place Malolos, kung saan maaaring tangkilikin ng mga bisita ang iba’t ibang lokal na pagkain tulad ng Longganisang Calumpit, Tinapang Bangus, Chicharon, mga tinapay, at tradisyunal na kakanin—kasama ang mga artisanal fashion, handmade crafts, at kakaibang accessories.
Bilang kinatawan ni Governor Daniel R. Fernando, binigyang-diin ni Konsehal James Santos ang kahalagahan ng pagsuporta sa mga lokal na micro, small, and medium enterprises (MSMEs).
“Maraming salamat sa lahat ng mga tumatangkilik sa mga gawang Bulakenyo, hindi lamang isang negosyo ang inyong natutulungan, kasama na ang komunidad at ang buong kabuuan ng probinsya ng Bulacan” saad niya.
Para sa mga hindi makahahabol sa unang serye ng eksibisyon, magkakaroon pa ng isa pang pagkakataon na suportahan ang mga lokal na artisan sa paglipat ng Tatak Singkaban Trade Fair sa Bulacan Provincial Capitol Grounds mula Setyembre 7 hanggang 11, 2026. (UnliNews Online)

