CAMP ALEJO SANTOS, Bulacan — Dalawang indibidwal na sangkot sa iligal na droga ang naaresto ng mga operatiba ng Plaridel Municipal Police Station (MPS) sa isinagawang anti-illegal drug buy-bust operation bandang alas-12:15 ng madaling araw noong Miyerkules (Agosto 26) sa Brgy. Banga 2nd, Plaridel, Bulacan.
Batay sa ulat ni P/Lt. Col. Restituto E. Granil, Chief of Police ng Plaridel MPS, kinilala ang mga naarestong suspek na sina alias “Eboy,” 28 taong gulang, at alias “Nene,” 27 at pawang mga residente ng Plaridel, Bulacan.
Isinagawa ang operasyon ng mga tauhan ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Plaridel MPS na nagresulta sa pagkakaaresto sa dalawang suspek at pagkakasamsam ng humigit-kumulang 7.5 gramo ng hinihinalang shabu na may Standard Drug Price na P51,000.00.
Bukod dito, nakarekober din ang mga operatiba ng isang limang-daang pisong bill na ginamit bilang buy-bust money, gayundin ng isang kulay itim na sling bag na naglalaman ng 1 unit Cal. .38 revolver na may tatlong piraso ng live ammunition para sa Cal. .38.
Ang mga naarestong suspek at nakumpiskang ebidensya ay dinala sa Plaridel MPS para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon. Ang mga nakumpiskang hinihinalang ilegal na droga ay isasailalim sa laboratory examination alinsunod sa umiiral na mga proseso.
Ayon kay Col. Granil, nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Sections 5, 11, at 26, Article II ng Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, habang isasagawa rin ang kaukulang imbestigasyon kaugnay ng nakumpiskang baril at bala. (UnliNews Online)

