LUNGSOD NG MALOLOS — Yan ang isinagot ni Gov. Daniel Fernando kay Ted Failon noong August 20 nang tanungin tungkol sa mahigit P41 Bilyong pondo sa mga flood-control projects sa Lalalawigan ng Bulacan.
Walang dalang datos. Walang papel sa harap. At sa loob lang ng ilang oras, viral na. Naging meme. Naging AI. Naging patunay daw ng kapabayaan.
Pero ngayon, binigyan linaw na ito ni ng gobernador, at ang sinabi niya ay hindi pagtatanggol sa sarili. Paglilinaw ito para sa lahat ng Bulakenyong sawa ng lumangoy sa sariling bayan.

Una, hindi hawak ng Kapitolyo ang P41 Bilyon. Wala raw “massive flood-control projects” ang Provincial Government na katulad ng sa DPWH. Ang pondo ay galing sa National Government. Sila ang nagplano, nagkontrata, at nagpatupad. Kaya kung may dapat managot at magpaliwanag, dapat kasama sila sa usapan.
Pangalawa, inamin ni Gov. na kulang talaga ang koordinasyon. Kaya mula 2023 gumawa na sila ng hakbang. May Integrated Flood Control and Drainage Plan na.
May mga Executive Order para pilitin na lahat ng national projects sa Bulacan ay dadaan sa review at koordinasyon ng probinsya. Dahil paano ka tutulong kung hindi ka nga kasali?
Pero higit sa lahat, ang hinihingi ni Gov. Fernando ay solusyon, hindi sisihan. Sabi niya, hindi sapat ang paisa-isang proyekto. Kailangan ng integrated at long-term na plano.
Kaya tinutulak nila ngayon ang Manila Bay Coastal Road-Dike pangarap pa ni Gat Blas Ople para protektahan hindi lang ang Bulacan kundi buong baybayin mula Bataan hanggang Cavite.
Nasa State of Calamity pa rin ang Bulacan. May mga pamilyang naglilinis pa rin ng putik. May mga magsasakang nalulunod ang pananim. At sa gitna nito, mas pinipili daw natin ang ingay kaysa gawa. Mas pinipili ang viral clip kaysa ebidensya.
“Mas mabilis ang paghatol kaysa paghahanap ng katotohanan,” sabi ni Gov. Fernando. Maaaring hindi pulido ang sagot niya noon. Sa kabila nito ang tanong niya sa atin ngayon ay mas matimbang. Nakatulong ba ang galit para mawala ang baha?
Ang totoo, ang P41 Bilyon ay pera natin. Pawis natin. May karapatan tayong malaman kung saan ito napunta. May karapatan tayong humingi ng pananagutan. At ang pinaka mahalagang katanungan ay bakit lubog pa rin ang Bulacan.
“Hindi solusyon ang batuhan. Ang kailangan natin ay katotohanan at pagkakaisa” saad ni Gob. Daniel. (UnliNews Online)

