Friday, July 10, 2026
Amana Water Park
HomeOpinionP10-Milyon na ‘Tulong Edukasyon,’ tinanggap ng Bulacan mula sa PAGCOR

P10-Milyon na ‘Tulong Edukasyon,’ tinanggap ng Bulacan mula sa PAGCOR

LUNGSOD NG MALOLOS — Personal na tinanggap ni Gobernador Daniel R. Fernando ang tsekeng nagkakahalaga ng P10-Milyon mula sa PAGCOR, noong Lunes (Hulyo 6, 2026) sa ginanap na Lingguhang Pagtataas ng Watawat sa Bulacan Capitol Gymnasium.

Ang tseke ay opisyal na ipinagkaloob ni PAGCOR Chairman and CEO Alejandro H. Tengco. Hindi lang ito basta abot-kamay na tulong. Bahagi ito ng nilagdaang Memorandum of Agreement para sa dalawang pangunahing programa ng probinsya ang “Tulong Pang-Edukasyon Para sa Bulakenyo” at “Ayudang Hatid ay Tagumpay Program.”

Ang P10-Milyon ay hahatiin sa dalawa. Ang unang P5-Milyon ang ilalaan para sa 1,000 first-year college students na kumukuha ng 4-year course sa mga pribado at pampublikong unibersidad. Ang isa pang P5-Milyon naman ay para sa 1,000 mag-aaral na nagsusumikap sa mga technical at vocational courses o 2-year programs.

Ibig sabihin, 2,000 Bulakenyong estudyante ang matutulungan sa unang batch pa lang. Pero hindi pa diyan nagtatapos ang magandang balita.

Inanunsyo rin ni Chairman Tengco ang pagtatayo ng 10 bagong school buildings sa iba’t ibang bayan ng Bulacan. Bawat gusali ay tatlong palapag na may 13 kumpletong silid-aralan na popondohan ng PAGCOR.

At para naman sa mga atletang Bulakenyo, may Bulacan Sports Academy na rin na itatayo sa Bulacan Sports Complex. Layunin nitong hubugin pa lalo ang talento ng kabataan sa larangan ng sports at bigyan sila ng mas maraming oportunidad.

Buong pusong ikinagalak ni Gob. Fernando ang ipinagkaloob na tulong sa lalawigan. “Lubos po tayong nagpapasalamat sa PAGCOR sa kanilang suporta at malasakit sa edukasyon ng ating kabataan. Inaasahan din natin ang mas marami pang magiging proyekto at matatag na pakikipagtulungan sa PAGCOR para sa kapakanan at kinabukasan ng mga Bulakenyo,” ani ng Gobernador.

Sa panahon ngayon na tumataas ang gastusin sa pag-aaral, malaking ginhawa ito para sa mga magulang at pangarap para sa mga estudyante.

Patunay lang na kapag nagtutulungan ang gobyerno at pribadong sektor, mas maraming batang Bulakenyo ang patuloy na mangangarap at makakamit ang pangarap. (UnliNews Online)

RELATED ARTICLES

WE ENDORSE

FOLLOW US ON FACEBOOK

Latest News