PANDI, Bulacan — Ang Philippine Economic Zone Authority (PEZA) ay isang ahensyang binuo upang pamahalaan ang mga economic zones o lugar na itinalaga para sa mga lokal at dayuhang mamumuhunan. Sa mga PEZA zones, binibigyan ng tax holidays, customs incentives, at iba pang benepisyo ang mga negosyo.
Matapos ang mga pagpupulong, masusing pagpaplano, at tuloy-tuloy na koordinasyon sa Philippine Economic Zone Authority (PEZA), unti-unti nang naisasakatuparan ang PEZA Special Economic Zone sa Bayan ng Pandi.
Nakipagpulong kamakailan si Mayor Enrico A. Roque kay PEZA Director General Tereso O. Panga para isulong ang isang proyektong magdadala ng mas maraming pamumuhunan sa Pandi.
Layunin ng pagtutulungang ito na magbukas ng 10,000 na trabaho sa bawat Pandieño, palakasin ang export industry at oportunidad sa negosyo na magpapaangat sa antas ng pamumuhay sa Bayan ng Pandi.
Ang proyektong ito ay bunga ng pagsisikap ng Pamahalaang Bayan na palakasin ang lokal na ekonomiya, at magbukas ng mga bagong oportunidad sa Pandi.
Ang pangarap nating PEZA Special Economic Zone ay hindi na lamang isang plano—ngayon, unti-unti na itong nagiging katotohanan. Tuloy-tuloy ang ating pakikipag-ugnayan sa PEZA para sa mas maunlad na kinabukasan ng bawat pamilyang Pandieño! (UnliNews Online)

