Sunday, July 12, 2026
Amana Water Park
HomeProvincial NewsBulacan UnliNewsIka-52 Buwan ng Nutrisyon, ipinagdiriwang sa Bulacan

Ika-52 Buwan ng Nutrisyon, ipinagdiriwang sa Bulacan

Pinagtibay ang adbokasiya sa nutrisyon at pangangalaga sa kalikasan

LUNGSOD NG MALOLOS – Muling pinagtibay ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan ang pangako nito na itaguyod ang kalusugan ng bawat Bulakenyo sa opisyal na pagbubukas ng pagdiriwang ng ika-152 Buwan ng Nutrisyon kamakailan sa Bulacan Capitol Gymnasium sa ilalim ng temang “Nutrisyon at Kalikasan, Ating Pangalagaan!”

Sa pangunguna ng Provincial Nutrition Committee of Bulacan sa ilalim ng Provincial Social Welfare and Development Office, naghanda ang lalawigan ng iba’t ibang programa at aktibidad para sa buong buwan ng Hulyo tulad ng pagkakabit ng tarpaulin sa iba’tibang bahagi ng Bulacan at iba pang mga gawaing hinihikayat ang aktibong pakikilahok ng mga paaralan at iba’t ibang sektor ng lipunan upang higit na mapaigting ang kamalayan sa kahalagahan ng wastong nutrisyon.

Upang makapagbigay ng karagdagang kaalaman sa publiko, mapakikinggan ang lingguhang programa na “Nutrition on Air” sa Hulyo 2, 9, 16, at 23 kung saan tatalakayin ang mahahalagang paksa tungkol sa nutrisyon at kalusugan para sa mga Bulakenyong tagapakinig.

Samantala, ipamamalas naman ng mga kalahok ang kanilang husay sa paghahanda ng masustansyang pagkain sa gaganaping ikalawang Bahay Kubo Cooking Contest sa Hulyo 28, bago magtapos ang selebrasyon sa Hulyo 31 sa pamamagitan ng paggagawad ng pagkilala sa mga natatanging indibidwal at organisasyong naging katuwang sa pagpapalakas ng mga programang pangnutrisyon sa lalawigan.

Hinikayat naman ng Puno ng PSWDO na si Rowena Joson Tiongson ang mga Bulakenyo na maging huwaran sa pagtataguyod ng malusog na pamumuhay at aktibong makiisa sa mga programang nagsusulong ng wastong nutrisyon.

“Ang Pamahalaang Panlalawigan ay may matatag na paniniwala na ang laban sa malnutrisyon ay hindi lamang tungkulin ng iisang departamento, ito ay isang pananagutan ng buong pamahalaan at pamayanan. Ang maliit na hakbang na ginagawa natin araw-araw ay malaking hakbang sa pagbuo ng isang malusog na komunidad,” ani Tiongson.

Gayundin, hinikayat ni Gobernador Daniel R. Fernando ang matatag na paninindigan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan na isulong ang wastong nutrisyon at pangalagaan ang kalikasan, at aniya, magkaugnay ang dalawang ito sa pagbuo ng mas malusog, ligtas, at matatag na komunidad.

Nanawagan din siya sa mga Bulakenyo na makiisa sa paglikha ng isang napapanatiling kinabukasan sa pamamagitan ng pagsasabuhay ng mga gawaing nakabubuti sa kalusugan at pagiging responsibleng tagapangalaga ng kalikasan.

“Sa pagdiriwang natin ng Nutrition Month, lagi nawa nating isaisip na ang pangangalaga sa kalikasan ay ang puhunan sa kalusugan at kapakanan ng bawat Bulakenyo. Sa pagsasama-sama nating pagkilos, makakamit natin ang isang lalawigan kung saan ang bawat pamilya ay may sapat na masustansyang pagkain, malinis na kapaligiran, at mas magandang kalidad ng buhay,” anang gobernador.

Binibigyang-diin ng taunang kampanya, na pinapangunahan ng National Nutrition Council sa buong bansa, na ang pagkakaroon ng sapat, ligtas, at masustansyang pagkain ay nakasalalay sa malinis, ligtas, at sustenableng kapaligiran. (UnliNews Online)

RELATED ARTICLES

WE ENDORSE

FOLLOW US ON FACEBOOK

Latest News