CAMP ALEJO SANTOS, Bulacan — Isang carnapping suspect ang naaresto ng mga operatiba ng Baliwag City Police Station matapos ang agarang responde sa insidente ng pagnanakaw ng motorsiklo sa Mulawin Matanda, Brgy. Tarcan, City of Baliwag, Bulacan noong Friday (July 10).
Batay sa ulat ni p/Lt. Col. Eisbon L. Llamasares, Acting Chief of Police ng Baliwag CPS, kinilala ang naarestong suspek na si alias “Leo,” 38 taong gulang, residente ng Sitio Pinagsikapan, Brgy. Tarcan Mulawin, Baliwag City.
Ayon sa paunang imbestigasyon, tinangay ng suspek ang isang Yamaha Mio Fazzio 125 na nakaparada sa labas ng establisyimento habang kumakain ang biktima. Napansin ng asawa ng biktima ang suspek na paalis na sakay ng motorsiklo, dahilan upang agad siyang habulin ng biktima at mga saksi hanggang sa matagumpay itong maaresto.
Narekober ang tinangkang nakawing motorsiklo at dinala kasama ang suspek sa Baliwag City Police Station para sa kaukulang dokumentasyon at imbestigasyon. Inihahanda na ang pagsasampa ng kasong paglabag sa Republic Act No. 10883 o New Anti-Carnapping Act of 2016 laban sa suspek sa Office of the City Prosecutor sa Lungsod ng Baliwag, Bulacan. (UnliNews Online)

