HINDI na kailangang bumiyahe pa ng malayo ang mga Pandienyo, dahil ngayon, mismong sa bayan na ng Pandi matatagpuan ang pagkakataong makapag-aral sa isang pampublikong unibersidad.
Tuluy-tuloy ang pagdating ng mga kabataan sa PUP Pandi Extension sa ilalim ng PUP Open University System. Kasalukuyang isinasagawa ang pagpapatala at oryentasyon para sa mga bagong mag-aaral sa Enhancement Center sa Bunsuran 1st.

Ang programang ito ay bunga ng pagtutulungan ng PUP OUS at ng Lokal na Pamahalaan ng Pandi upang maging mas maayos ang pagpasok ng mga bagong Iskolar ng Bayan sa kolehiyo.
Personal na sinalubong ni Mayor Enrico “Rico” Roque ang mga estudyanteng Pandienyo.
Panawagan ng alkalde na dalhin sa pag-aaral ang pagsusumikap, pagtitiyaga at paninindigan para makamit ang minimithing tagumpay.

Balikan natin, noong Disyembre 2025 ay lumagda ang Pamahalang Bayan ng Pandi at PUP OUS sa isang kasunduan. Pinamunuan ito nina Mayor Roque, PUP President Dr. Manuel M. Muhi at Dr. Rudolf Anthony Lacerna.
Layon nito ay ibukas ang pintuan ng libre at dekalidad na edukasyon para sa mga taga-Pandi.
Sa PUP Pandi OUS Extension, available ang mga sumusunod na kurso gaya ng BS Business Administration , Marketing Management, BS Tourism Management at BA Journalism
Hindi lang ‘yan. may postgraduate programs at pagsasanay din para sa mga empleyado ng munisipyo sa pamamagitan ng ODeL o Open, Distance at e-Learning.
Dahil ito ang unang state university extension na naitayo sa Pandi, malaking ginhawa ito para sa mga kabataan. Hindi na kailangang gumastos pa sa pamasahe papuntang Maynila o ibang bayan para lang makapag-kolehiyo.
“Para sa ating mga bagong PUPians, bitbitin ninyo ang sipag, tiyaga, at determinasyon sa pag-abot ng inyong mga pangarap. Ito ang inyong magiging puhunan para sa mas magandang kinabukasan,” ani Roque.
Sa PUP Pandi, mas malapit na ang pangarap.
Padayon, mga Iskolar ng Bayan! (UnliNews Online)

