Sunday, September 13, 2026
Amana Water Park
HomeProvincial NewsBulacan UnliNewsLEPTOSPIROSIS CASES SA BULACAN SUMIPA NG 149%

LEPTOSPIROSIS CASES SA BULACAN SUMIPA NG 149%

Provincial Health Office pinaiigting ang pagtugon

LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan — Sumipa ng 149 porsiyento ang mga pinaghihinalaang kaso ng Leptospirosis sa Bulacan, dahilan upang agad na paigtingin ng Pamahalaang Panlalawigan, sa pamamagitan ng Provincial Health Office-Public Health (PHO-PH), ang disease surveillance, medical response at mga hakbang sa pag-iwas sa sakit, partikular sa mga komunidad na tinamaan ng pagbaha.

Mahigpit na mino-monitor ang mga lugar na apektado ng baha at mga evacuation center, habang patuloy na nakikipagtulungan sa mga Disease Surveillance Unit ng mga bayan at lungsod upang matiyak ang wastong pangangalap ng datos, pagsusuri ng mga ulat, at aktibong paghahanap ng mga kaso sa mga komunidad.

Binabantayan din ang mga pampublikong ospital sa buong lalawigan upang matiyak ang maagap na pamamahala at paggamot sa mga pasyente habang namamahagi rin ng karagdagang suplay ng Doxycycline, mga pamahid para sa athlete’s foot, at iba pang mahahalagang gamot sa mga City at Municipal Health Office, pampublikong ospital, tanggapan ng pamahalaan, at iba pang institusyong humihingi ng tulong sa PHO-PH.

Ayon sa Leptospirosis Advisory ng PHO-PH, nakapagtala ang Bulacan ng 394 na pinaghihinalaang kaso ng Leptospirosis mula Enero 1 hanggang Setyembre 5, 2026, malaking pagtaas mula sa 158 kaso na naitala sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.

Sa nakalipas lamang na dalawang linggo, 232 bagong kaso ang naitala na katumbas ng 59% ng kabuuang kaso ngayong taon. Kasabay nito, apat na pagkamatay na may kaugnayan sa Leptospirosis ang naiulat, habang lumagpas naman sa alert threshold ang bilang ng mga kaso na 535%.

Bagama’t may mga pasyenteng edad 4 hanggang 76 na naapektuhan, pinakamataas ang bilang ng mga kaso sa edad 25 hanggang 29, kung saan sa kabuuang bilang, 76% o 300 kaso ay mga lalaki, at pangunahing natukoy na paraan ng pagkakahawa ang exposure sa tubig-baha.

Mula Morbidity Weeks 1 hanggang 35, pinakamataas ang kabuuang bilang ng mga kaso sa Lungsod ng Meycauayan (58), Lungsod ng San Jose del Monte (47), at Lungsod ng Malolos (39), habang batay naman sa attack rate, nanguna ang Lungsod ng Meycauayan na may 58 kaso at 2.46 attack rate, sinundan ng Bocaue na may 33 kaso at 2.23 attack rate, at Calumpit na may 24 kaso at 1.97 attack rate.

Itinagubilin naman ni Gobernador Daniel R. Fernando ang agarang pagpapatupad ng preventive measures upang mapigilan ang patuloy na pagtaas ng mga kaso ng Leptospirosis at maiwasang lumala ang sitwasyon sa mga susunod na linggo.

“Kailangan din nating higit na paigtingin ang mga hakbang sa sanitasyon at pagkontrol sa mga daga sa sandaling humupa ang tubig-baha at tiyaking sapat ang kaalaman ng bawat komunidad tungkol sa pag-iwas at maagap na pagpapagamot. Hindi dapat binabalewala o naiiwan nang walang wastong atensiyong medikal ang anumang pinaghihinalaang kaso, at hinihikayat ko ang ating mga lokal na opisyal at health worker na kumilos agad upang maprotektahan ang ating mga komunidad laban sa karagdagang pagkalat ng sakit,” ani Fernando.

Ang Leptospirosis ay isang bacterial infection na dulot ng Leptospira na maaring makuha kapag ang mga sugat o gasgas sa balat ay na-expose sa tubig-baha o basang lupang kontaminado ng ihi ng mga infected na hayop, partikular ng mga daga. Kabilang sa mga sintomas nito ang lagnat, pananakit ng kalamnan, sakit ng ulo, pananakit ng binti, pamumula ng mata, at sa malulubhang kaso, kakaunti o maitim na ihi, kung kaya sinumang makararanas ng mga sintomas na ito ay pinapayuhang agad na magpakonsulta sa pinakamalapit na health center o ospital.

Hinihikayat din ang publiko na huwag lumangoy o maglakad sa baha mayroon man o walang sugat gumamit ng bota at iba pang kagamitang pang-proteksyon kung hindi maiiwasan ang lumusong dito, linising mabuti ang mabuti pagkatapos ma-expose, alisin ang natirang tubig-baha, at panatilihing malinis ang paligid para maiwasan ang pagdami ng daga.

Para sa mga indibidwal na lumusong sa tubig-baha nang mayroon o walang proteksiyon, mayroon o walang sugat, maaaring maresetahan ng Doxycycline matapos ang pagsusuri ng doktor o healthcare professional sa mga health center. Nakadepende ang dosage sa uri at tagal ng exposure sa baha at kung may mga sugat.

Mahalaga ang maagang pagpapakonsulta at pagpapagamot dahil nakamamatay ang Leptospirosis, ngunit maaari itong maagapan at magamot kung makatatanggap ang pasyente ng agarang pangangalaga sa ospital. (UnliNews Online)

Manny D. Balbin
Manny D. Balbinhttp://unlinews.org
Emmanuel "Manny" Dineros Balbin, founder and editor-in-chief of UNLINEWS ONLINE and UNLINEWS Digital Newspaper, is a former seminarian of Oblates of Mary Immaculate (OMI) in Notre Dame University Seminary in Cotabato City. Graduated college with Philosophy and Political Science courses at the University of Santo Tomas, Legazpi City. A former Journal Group of Publication (People's Journal, People's Tonight, Taliba & Women's Journal) staffer for 17 years. Before, he simultaneously contributed news articles to 3 local newspapers in Bulacan (NewsCore, MetroNews & NewsWatcher). He is the founder and the former editor-in-chief of RONDA Balita, both in weekly newspaper and online news. A former Kabayan provincial reporter, 2010 Bulacan election correspondent by Rappler and presently, a stringer of Philippine News Agency (PNA) Bulacan.
RELATED ARTICLES

WE ENDORSE

FOLLOW US ON FACEBOOK

Latest News