LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan — Mas pinaigting ng Department of Education (DepEd) Bulacan at Philippine National Police (PNP) ang kanilang kampanya para protektahan ang mga mag-aaral laban sa pang-aabuso, panganib at iba pang banta sa kanilang kaligtasan sa pamamagitan ng isinagawang seminar at specialized training sa Casa Remedios sa lungsod na ito.
Layunin ng aktibidad na palakasin ang kakayahan ng mga Child Protection Committee (CPC) sa mga paaralan upang mas mabilis at wasto nilang matugunan ang mga insidenteng may kinalaman sa kaligtasan, karapatan at kapakanan ng mga bata.
Dinaluhan ito ng mga school security officer, kabilang ang mga guidance counselor, guidance designate at learner formation officer mula sa Schools Division of Bulacan.

Naging pangunahing tagapagsalita si P/Maj. Jaynalyn Udal, hepe ng Bulacan Police Women’s and Children’s Protection Division at Public Information Office, na tumalakay sa paksang “Taking into Custody: Special Protection and Safety of Children.”
Binigyang-diin ni Udal ang tamang proseso, mga kinakailangang pananggalang at responsibilidad ng mga awtoridad sa pagkuha sa kustodiya at pag-aasikaso sa mga batang nangangailangan ng espesyal na proteksyon, kabilang ang mga nasasangkot sa mga insidenteng may kaugnayan sa batas.
Nagbigay rin siya ng praktikal na gabay sa wastong koordinasyon ng mga school personnel sa pulisya at iba pang kinauukulang ahensya upang matiyak na hindi malalagay sa karagdagang panganib ang mga batang nangangailangan ng tulong.
Samantala, iginiit ni P/Col. Jay Baybayan, acting police director ng Bulacan, na mahalagang patuloy na palakasin ang kaalaman at kakayahan ng mga katuwang na ahensya upang matiyak ang maagap, tama at makataong pagtugon sa mga usapin ng child protection.
Tiniyak ni Col. Baybayan ang patuloy na suporta ng PNP sa mga programa ng DepEd at iba pang stakeholders na naglalayong pangalagaan ang karapatan, kaligtasan at kapakanan ng mga bata. (UnliNews Online)

