CAMP GEN. ALEJO SANTOS, Bulacan — Naaresto ng mga operatiba ng Pandi Municipal Police Station (MPS) ang 4 na indibidwal sa isinagawang anti-illegal drug buy-bust operation noong Martes ng gabi sa Brgy. Mapulang Lupa, Pandi.
Batay sa ulat ni P/Lt. Col. Nelson N. Sardin, Chief of Police ng Pandi MPS, kinilala ang mga naarestong suspek na sina alias Lyn, Fel, Liza, at Nard.
Isinagawa ang operasyon matapos makipagtransaksyon ang isang police poseur-buyer kay alias Lyn, na nagbenta ng isang sachet ng hinihinalang shabu kapalit ng P500 marked money.
Sa isinagawang operasyon at body search sa mga suspek, nakumpiska ang kabuuang anim na heat-sealed transparent plastic sachets na naglalaman ng hinihinalang shabu na may tinatayang kabuuang timbang na 4.5 gramo at Standard Drug Price na P30,600.00.
Nakumpiska rin ang isang Caliber .38 revolver na walang trademark at serial number at walang bala. Isinagawa ang inventory ng mga nakumpiskang ebidensya sa presensya ng isang elected barangay official at media representative alinsunod sa itinakdang proseso.
Ang mga naarestong suspek at mga nakumpiskang ebidensya ay dinala sa Pandi MPS para sa kaukulang dokumentasyon at tamang disposisyon.
Isasailalim sa laboratory examination at drug testing ang mga nakumpiskang hinihinalang shabu, habang isasagawa naman ang firearms examination sa nakumpiskang baril. Inihahanda ang kaukulang pagsasampa ng kaso laban sa mga suspek dahil sa paglabag sa Sections 5, 11, at 26, Article II ng Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, at Republic Act No. 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act. (UnliNews Online)

