CAMP ALEJO S. SANTOS, Bulacan — Dalawang lalaki ang naaresto sa magkahiwalay na anti-illegal drug operations ng pulisya sa Santa Maria at Baliwag City, Bulacan, noong Sabado (Oktubre 10), matapos makumpiska ang hinihinalang shabu na may kabuuang timbang na 6.02 gramo at tinatayang halagang P40,936.
Magkahiwalay na ikinasa ng mga operatiba ang mga operasyon sa dalawang bayan na nagresulta sa pagkakaaresto ng mga suspek at pagkakarekober ng hinihinalang ilegal na droga.
Ayon sa ulat ni P/Lt. Col. Mark Louie M. Sigua, Chief of Police ng Santa Maria MPS, isang 26-anyos na lalaki ang naaresto sa Brgy. San Jose Patag, Santa Maria, bandang alas-10:30 ng umaga matapos ang insidenteng kinasangkutan ng isang barangay executive habang nagsasagawa ng clean-up operation ang mga barangay tanod malapit sa Barangay Hall.
Base sa paunang ulat, nang tangkain ng barangay executive na pahintuin ang suspek na sakay ng motorsiklong may napakalakas na tambutso, hindi umano ito huminto at nabangga ang nasabing opisyal, na nagtamo ng mga pinsala.
Habang tinutulungan ng isang tanod ang nasugatang barangay executive, itinapon umano ng suspek ang dalawang sachet ng hinihinalang shabu na may tinatayang bigat na 0.5 gramo at halagang P3,400.00.
Nahaharap ang suspek sa mga reklamong Resistance and Disobedience to a Person in Authority at paglabag sa Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Samantala, ayon sa ulat ni P/Lt. Col. Eisbon Lucas Llamasares, Chief of Police ng Baliwag CPS, isang 46-anyos na negosyante ang naaresto sa isinagawang buy-bust operation ng Drug Enforcement Unit sa Brgy. Sto. Cristo, Baliwag City, bandang alas-1:20 ng hapon ng parehong araw na kabilang sa PNP-PDEA Unified Watchlist bilang Street-Level Individual (SLI).
Nakumpiska mula sa kanya ang limang heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na may kabuuang tinatayang bigat na 5.52 gramo at Standard Drug Price na P37,536.00, gayundin ang isang marked P500.00 bill na ginamit sa operasyon. Nahaharap ang suspek sa mga reklamong paglabag sa Sections 5 at 11, Article II ng Republic Act No. 9165.
Sa kabuuan, tinatayang 6.02 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P40,936.00 ang nasamsam sa dalawang operasyon. Ang mga naarestong suspek at mga nakumpiskang ebidensya ay dinala sa kani-kanilang himpilan ng pulisya para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon.
Isasailalim sa laboratory examination ang mga nakumpiskang hinihinalang ilegal na droga sa Bulacan Provincial Forensic Unit, habang inihahanda ang mga kaukulang reklamo para sa paghahain sa Office of the Provincial Prosecutor. (UnliNews Online)

