LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan — Pinalakas ng City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) ang kakayahan ng mga emergency responder sa pamamagitan ng Tactical Emergency Casualty Care (TECC) Training kamakailan na ginanap sa Mac Mac Shooting Range sa Plaridel, Bulacan.
Layunin ng pagsasanay na paigtingin ang kahandaan ng mga responder sa pagresponde sa mga emergency at pagbibigay ng agarang pangangalaga sa mga nasugatan sa mga mapanganib na sitwasyon.
Lumahok sa pagsasanay ang mga kinatawan mula sa Philippine National Police (PNP), Bureau of Fire Protection (BFP), Explosive Ordnance Disposal (EOD), Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), at mga Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) mula sa iba’t ibang bayan sa Bulacan.
Pinangunahan nina Dr. Teofredo Esguerra at Ronald Canisares ang training bilang mga lead trainer, katuwang sina Maila Cabisares, James Yves Feliciano, Gamaliel Pia, at Joel Carillo bilang mga instructor.
Tampok na aktibidad ang praktikal na pagsasanay, mga aktuwal na simulation, at iba pang hands-on exercises na isinagawa sa Mac Mac Shooting Range. Sa pamamagitan nito, nahasa ang mga kalahok sa mga pamamaraan ng agarang pangangalaga sa mga nasugatan sa mga sitwasyong may mataas na panganib, habang binibigyang-diin ang kaligtasan, disiplina, at koordinasyon sa pagtugon sa mga emergencies.
Nagtapos ang programa sa pamamahagi ng mga sertipiko sa mga kalahok bilang pagkilala sa kanilang matagumpay na pagkumpleto ng pagsasanay.
Sa pamamagitan ng mga programang tulad ng TECC Training, patuloy na pinagtitibay ng CDRRMO ang kahandaan ng mga frontliner upang maisulong ang mas maagap, organisado, at epektibong pagtugon sa mga emergency at sa kaligtasan ng publiko. (UnliNews Online)
Source: Malolos CIO

