Sunday, October 11, 2026
Amana Water Park
HomeProvincial NewsBulacan UnliNewsFernando, pinangunahan ang pagbuo ng El Niño Task Force; Bulacan, kumilos kontra...

Fernando, pinangunahan ang pagbuo ng El Niño Task Force; Bulacan, kumilos kontra tagtuyot

LUNGSOD NG MALOLOS — Hindi na hinintay ni Gobernador Daniel R. Fernando na maramdaman ng mga Bulakenyo ang epekto ng matinding tagtuyot, matapos niyang pangunahan ang pagbuo ng El Niño Task Force upang maagap na matugunan ang posibleng kakulangan sa suplay ng tubig, pinsala sa agrikultura at panganib sa kalusugan sa lalawigan.

Sa gitna ng babala ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) hinggil sa posibleng epekto ng El Niño sa mga susunod na buwan, pinangunahan ni Fernando ang pagpupulong ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC) sa Hiyas ng Bulacan Convention Center nu’ng Huwebes upang pagtibayin ang mga paunang hakbang laban sa tagtuyot.

PINAGTIBAY ni Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council Chairman at Gov. Daniel R. Fernando ang pagbuo ng konseho para labanan ang parating na matinding El Niño.Kasama ng gobernador sina Bise Gobernador Alexis C. Castro, PDRRMO chief ret. Colonel Manuel Lukban, at si Provincial Administrator Antonia V. Constantino. (Kuha ni ALLAN CASIPIT)

“Hindi natin dapat hintaying maramdaman ang kakulangan sa tubig, pinsala sa kabuhayan, at panganib sa kalusugan bago tayo kumilos,” mariing pahayag ni Fernando sa harap ng mga miyembro ng konseho.

Habang maaga pa, inilatag na ng gobernador ang malinaw na direksyon pangalagaan ang tubig, suportahan ang magsasaka, at protektahan ang kalusugan ng bawat Bulakenyo.

Sa ilalim ng bubuuing Executive Order, si Gob. Fernando mismo ang tatayong chairperson ng task force, katuwang ang Provincial Science and Technology Office bilang co-chair.

At para walang turuan, tinukoy na agad ni Fernando ang limang haligi ng laban: PAO para sa Food Security, BENRO para sa Water Security, PGSO para sa Energy Security, PHO para sa Health Security, at DILG para sa Safety Security.

“Kailangang malinaw ang tungkulin ng bawat tanggapan, ang mga pangangailangan sa pondo at kagamitan, at ang sistema ng koordinasyon,” giit ng gobernador.

Ayon kay Julie M. Nimes ng PAGASA, makakaranas ang Bulacan ng dry conditions hanggang Nobyembre, dry spell sa Disyembre hanggang Enero, at tagtuyot mula Pebrero hanggang Marso 2027. Maagap ang babala, mas maagap ang aksyon ng Kapitolyo.

Sa lundo ng ginawang pagpupulong, malinaw ang mensahe ni Gob. Fernando: Ang sukatan ng pulong ay hindi sa dami ng dumalo, kundi sa dami ng pamilyang maililigtas sa gutom, uhaw at sakit.

Sa Bulacan, sa pamumuno ni Fernando, hindi tayo naghihintay ng sakuna. Pinaghahandaan natin ito.

Maagap ang Pamahalaang Lalawigan. Sana, maging maagap din ang bawat lungsod, bayan, at barangay. Dahil ang El Niño, hindi nag-aabiso kung kailan mananalasa. Pero ang kahandaan, pwedeng ihanda ngayon pa lang. (UnliNews Online)

RELATED ARTICLES

WE ENDORSE

FOLLOW US ON FACEBOOK

Latest News