LUNGSOD NG MALOLOS — Pasok sa 19 finalist ng 2026 Galing Pook Awards ang proyektong pangkalikasan ng Pamahalaang Lungsod ng Malolos na naglalayong palakasin ang katatagan ng mga pamayanang baybayin laban sa mga epekto ng climate change.
Kabilang sa mga finalist ang North Manila Bay Nature-based Solutions (NbS) Pilot Project: Community-led Coastal Resilience through Building with Nature na ipinatutupad sa Barangay Pamarawan, Malolos City.
May temang “Islands of Hope: Local Innovations, National Inspiration,” kinikilala ng 2026 Galing Pook Awards ang mga makabago at natatanging programa ng mga lokal na pamahalaan na nagtataguyod ng epektibo, malikhain at napapanatiling solusyon sa mga suliranin ng komunidad.
Layunin ng proyekto sa Pamarawan na palakasin ang proteksiyon ng mga pamayanang baybayin sa pamamagitan ng mga solusyong nakabatay sa kalikasan at pakikilahok ng komunidad.
Itinatag noong 1993, ang Galing Pook Awards ay isang pambansang pagkilala sa mga natatanging programa ng mga lokal na pamahalaan na nagpapakita ng inobasyon at mabuting pamamahala. (UnliNews Online)

