CAMP Alejo Santos, Bulacan — Arestado ang isang 50-anyos na lalaki sa buy-bust operation ng Pandi Municipal Police Station (MPS) sa Barangay Malibong Matanda, Pandi nu’ng Martes ng madaling araw (Oct. 13), dahil sa umano’y paglabag sa mga batas laban sa iligal na droga at baril.
Ayon sa ulat ni P/Lt. Col. Darwin O. Abainza, hepe ng Pandi MPS, kinilala ang suspek na si alyas “Towa,” residente ng Barangay Batia, Bocaue, Bulacan, at kabilang umano sa BADAC watchlist.
Sa isinagawang operasyon ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Pandi MPS, narekober ang isang kalibre .38 revolver na walang serial number, at dalawang bala nito. Sa kabuuan, 3 sachet ng hinihinalang shabu na may standard drug price na P15,368.33 ang nakumpiska mula sa suspek.
Isinagawa ang imbentaryo ng mga nakumpiskang ebidensiya sa presensya ng mga kinatawan ng barangay, DOJ, at media. Dinala ang suspek at mga ebidensiya sa Pandi MPS para sa dokumentasyon at isusumite sa Bulacan Provincial Forensic Unit para sa kaukulang pagsusuri.
Nahaharap ang suspek sa mga kasong may kaugnayan sa paglabag sa Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at Republic Act No. 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act. (UnliNews Online)

