Friday, October 16, 2026
Amana Water Park
HomeNational NewsNAPOLCOM, ‘sinibak’ ang viral na pulis-Bulacan sa pang-aabuso sa kinakasama!

NAPOLCOM, ‘sinibak’ ang viral na pulis-Bulacan sa pang-aabuso sa kinakasama!

QUEZON CITY — Tuluyan nang sinibak sa serbisyo ng National Police Commission (NAPOLCOM) si Police Corporal Almar Jerome P. Dela Cruz matapos mapatunayang administratibong nagkasala ng grave misconduct at conduct unbecoming of a police officer kaugnay ng pananakit sa kaniyang kinakasama.

Ayon kay NAPOLCOM Commissioner Rafael Vicente R. Calinisan, hindi lisensiya ang pagsusuot ng uniporme ng pulis upang manakit o mang-abuso, at walang puwang sa hanay ng kapulisan ang mga ganitong gawain.

“Ang uniporme ay hindi lisensya para manakit o mang-abuso,” diin ni Calinisan, kasabay ng pagbibigay-diin na ang tsapa ng pulis ay sagisag ng tungkulin at hindi panangga laban sa pananagutan.

Batay sa desisyon ng komisyon, kabilang sa mga ebidensiyang sinuri ang kuha ng CCTV, mga pahayag ni Dela Cruz na kumikilala sa naganap na pisikal na komprontasyon, at ang kaniyang pampublikong pag-amin na mali ang kaniyang ginawa.

Ipinakita sa mga rekord na noong Marso 12, 2026, paulit-ulit na sinuntok at hinampas ni Dela Cruz ang kaniyang kinakasama hanggang sa mawalan ito ng malay. Binanggit din sa imbestigasyon ang naunang insidente noong Hunyo 2025, kung saan sinipa at minura umano niya ang babae.

Bagama’t naghain kalaunan ng affidavit of desistance o sinumpaang salaysay ng pag-urong sa reklamo ang nagreklamo, iginiit ng NAPOLCOM na maaari pa ring ituloy ang administratibong proseso. Ayon sa komisyon, hindi awtomatikong napapawalang-bisa ng pribadong areglo ang pananagutang administratibo kung may sapat na ebidensiya ng pagkakasala.

Bukod sa pagkakatanggal sa serbisyo, ipinataw kay Dela Cruz ang iba pang parusa, kabilang ang pagkansela ng kaniyang police eligibility, pagkawala ng mga benepisyo sa pagreretiro maliban sa naipong leave credits, at habambuhay na pagbabawal na muling makapagtrabaho sa anumang tanggapan ng pamahalaan o korporasyong pag-aari o kontrolado nito.

Binigyang-diin ni Calinisan na kahit sa pribadong buhay ay nananatiling saklaw ng mahigpit na pagsusuri ang asal ng isang pulis, dahil patuloy na kailangang patunayan ng bawat opisyal ang kaniyang pagiging karapat-dapat na magsuot ng uniporme.

“Even if you settle with your complainant, kung hindi ka karapat-dapat maging pulis, we won’t think twice about removing you,” pahayag ni Calinisan.

Muling tiniyak ng NAPOLCOM ang paninindigan nitong alisin sa serbisyo ang mga abusadong tauhan at palakasin ang integridad, disiplina at pananagutan sa hanay ng Philippine National Police (PNP). (UnliNews Online)

Source: NAPOLCOM

Manny D. Balbin
Manny D. Balbinhttp://unlinews.org
Emmanuel "Manny" Dineros Balbin, founder and editor-in-chief of UNLINEWS ONLINE and UNLINEWS Digital Newspaper, is a former seminarian of Oblates of Mary Immaculate (OMI) in Notre Dame University Seminary in Cotabato City. Graduated college with Philosophy and Political Science courses at the University of Santo Tomas, Legazpi City. A former Journal Group of Publication (People's Journal, People's Tonight, Taliba & Women's Journal) staffer for 17 years. Before, he simultaneously contributed news articles to 3 local newspapers in Bulacan (NewsCore, MetroNews & NewsWatcher). He is the founder and the former editor-in-chief of RONDA Balita, both in weekly newspaper and online news. A former Kabayan provincial reporter, 2010 Bulacan election correspondent by Rappler and presently, a stringer of Philippine News Agency (PNA) Bulacan.
RELATED ARTICLES

WE ENDORSE

FOLLOW US ON FACEBOOK

Latest News