SAN RAFAEL, Bulacan — Arestado ang isang 33-anyos na lalaki matapos makumpiskahan ng hinihinalang shabu at isang kalibre .38 na baril na may mga bala sa buy-bust operation ng pulisya sa Barangay Ulingao, San Rafael, Bulacan, nu’ng Huwebes (Oct. 15).
Dakong alas-11 ng umaga nang isagawa ng mga tauhan ng San Rafael Municipal Police Station (MPS) ang operasyon bilang bahagi ng pinaigting na kampanya laban sa ilegal na droga at mga ipinagbabawal na armas.
Base sa police report, naaresto ang suspek matapos magbenta ng isang heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu sa isang pulis na nagpanggap na buyer kapalit ng P500 marked money.
Sa isinagawang body search, narekober din ang apat na sachet ng hinihinalang shabu, 1 Smith & Wesson caliber .38 revolver na may serial number na PHPKP 8762, tatlong bala, at buy-bust money at illegal na droga na may standard drug price na P19,720.00.
Ayon kay P/Lt. Col. Lawrence Gerald A. Bathan, hepe ng San Rafael MPS, kasalukuyang nasa kustodiya ng pulisya ang naarestong suspek para sa dokumentasyon at kaukulang disposisyon. Nahaharap siya sa mga kasong paglabag sa Sections 5 at 11, Article II ng Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, at Republic Act No. 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
Sa ilalim ng pamumuno ni P/Col. Jay B. Baybayan, Acting Provincial Director ng Bulacan Police Provincial Office, patuloy na paiigtingin ng kapulisan ang kampanya laban sa ilegal na droga at ilegal na mga baril upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan at matiyak ang kaligtasan ng bawat Bulakenyo. (UnliNews Online)

