MEYCAUAYAN CITY, Bulacan — Arestado ng Meycauayan City Police Station ang isang 66-anyos na lalaking kabilang sa Most Wanted Persons (MWP) dahil sa kasong Acts of Lasciviousness sa isinagawang operasyon sa Barangay Pandayan, bandang alas-4 ng hapon nu’ng Huwebes (Oct. 15).
Ayon sa pulisya, isinagawa ang pag-aresto sa ilalim ng JBM PATROL System at Safer Cities Initiative ni P/Brig. Gen. Jess B. Mendez, Regional Director ng Police Regional Office 3 (PRO3).
Ayon sa ulat ni P/Lt. Col. Melvin M. Florida Jr., Hepe ng Meycauayan CPS, isinilbi ang warrant of arrest na inilabas noong Setyembre 18, 2026 ng Regional Trial Court, Branch 121, Meycauayan City, Bulacan. Nahaharap ang akusado sa kasong Acts of Lasciviousness na may inirekomendang piyansang P360,000.
Ipinaalam sa akusado ang kaniyang mga karapatang konstitusyonal at kasalukuyan siyang nasa kustodiya ng Meycauayan CPS para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon.
Patuloy namang paiigtingin ng Bulacan Police Provincial Office sa pamumuno ni P/Col. Jay B. Baybayan, acting Bulacan Provincial Director, ang pagtugis sa mga most wanted person bilang bahagi ng pagsisikap na maipatupad ang batas at maiharap sa hukuman ang mga taong may kinahaharap na kasong kriminal, alinsunod sa tamang proseso ng batas. (UnliNews Online)

