NORZAGARAY, Bulacan — Nakatanggap ng mga food pack, damit, kumot at iba pang pangunahing pangangailangan ang mga residente ng Sitio Survey, Barangay San Lorenzo sa nabanggit na bayan, sa isinagawang outreach program nu’ng Friday (Oct. 16).
Nakibahagi sa aktibidad ang mga tauhan ng Alpha Company ng 70th Infantry (Matapat at Matatag) Battalion (70IB) ng 7th Infantry Division ng Philippine Army. Pinangunahan ang programa ng Sagip Sierra Madre Ecclesial Community Association Inc., Blessed Sacrament Missionaries of Charity, at Nuestra Señora de Lourdes Parish.

Ipinamahagi sa mga residente ang 525 food pack, 500 packed lunches, 150 stuffed toy, 2,000 piraso ng iba’t ibang damit, at 200 kumot.
Binigyang-diin ng aktibidad ang patuloy na pakikiisa ng 70IB sa mga gawaing makatao at paglilingkod sa komunidad, gayundin ang pagpapalakas ng ugnayan sa mga lokal na organisasyon upang maisulong ang kapayapaan at kaunlaran sa mga pamayanan. (UnliNews Online)

