CAMP ALEJO SANTOS, Bulacan — Natuldukan ang pagtatago ng isang City-Level Most Wanted Person na nahaharap sa kasong rape matapos siyang masakote ng mga operatiba ng San Jose del Monte City Police Station (SJDM CPS) sa isang operasyon sa Barangay Citrus, City of San Jose del Monte, Bulacan, bandang alas-5:05 ng hapon noong Oktubre 16, 2026.
Ayon sa ulat ni P/Lt. Col. Nelson M. Sardin, katuwang ang mga operatiba ng Warrant and Intelligence Section ng SJDM CPS at 301st Maneuver Company, Regional Mobile Force Battalion 3, naaresto ang suspek na kinilalang isang 23 taong gulang, at residente ng Barangay Citrus, CSJDM, Bulacan.
Siya ay inaresto sa bisa ng warrant of arrest para sa limang bilang ng kasong Rape sa ilalim ng Article 266-A, Paragraph 1(a) ng Revised Penal Code, na inamyendahan ng Republic Act No. 8353 at Republic Act No. 11648. Ang mga kaso ay nakadokumento sa ilalim ng Criminal Case Nos. 6983-M-2026 hanggang 6987-M-2026, na walang inirekomendang piyansa sa bawat bilang.
Ang warrant ay inilabas noong Oktubre 16, 2026, ng Presiding Judge ng Regional Trial Court, Branch 17, Malolos, Bulacan. Gumamit din ng Body-Worn Camera sa operasyon alinsunod sa A.M. No. 21-06-08-SC.
Sa kasalukuyan, nasa kustodiya ng SJDM CPS Custodial Facility ang naarestong suspek para sa kaukulang dokumentasyon at iba pang proseso bago ang kanyang pagbabalik sa korte na naglabas ng warrant. (UnliNews Online)

