SAN ILDEFONSO, Bulacan — Arestado ang isang 61-anyos na lalaki matapos makumpiskahan ng isang kalibre .45 at mga bala sa pagpapatupad ng search warrant sa Barangay Malipampang sa nabanggit na bayan bandang alas-6:10 ng umaga noong Miyerkules (Oct. 21).
Isinagawa ang operasyon ng mga tauhan ng San Ildefonso Municipal Police Station, katuwang ang Regional Mobile Force Battalion 3, sa Purok 3 ng nasabing barangay.
Ang operasyon ay bahagi ng kampanya ng Police Regional Office 3 sa ilalim ng pamumuno ni P/Brig. Gen. Jess B. Mendez, sa pamamagitan ng JBM Patrol System at Safer Cities Initiative ng Department of the Interior and Local Government (DILG), laban sa krimen at ilegal na pagmamay-ari ng mga baril.
Ayon sa ulat ni P/Lt. Col. Gilmore A. Wasin, Hepe ng San Ildefonso MPS, naaresto si “Alyas Ken”, sa bisa ng Search Warrant na inilabas ng Regional Trial Court, Branch 80, Lungsod ng Malolos, Bulacan, kaugnay ng paglabag sa Republic Act No. 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
Isinagawa ang search warrant, pagmamarka, at imbentaryo ng mga nakumpiskang ebidensya sa presensya ng naaresto suspek, iba pang nakatira sa bahay, at dalawang opisyal ng barangay bilang mga saksi. Dinala ang suspek sa San Ildefonso MPS para sa dokumentasyon at kaukulang disposisyon. (UnliNews Online)

